Umaasa ang pulisya sa Maguindanao na marami pang personal items, gadgets at equipment ng Fallen 44 ang isasauli sa gobyerno matapos isang magsasaka na tumangging pangalanan para sa kanyang seguridad ang nagsauli ng tatlong kagamitan mula sa mga namatay na police commando noong Enero 25 sa Mamasapano.

Sinabi ni Senior Supt. Rodelio Jocson, Maguindanao police chief, na dinala ng magsasaka sa opisina ng pulisya ang mga nakuha nitong kagamitan sa lugar ng engkuwentro sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

“He was a farmer living in Barangay Tukanalipao. He asked not to be named for security reason,” ani Jocson tungkol sa magsasaka na nagsauli ng isang SAF Kevlar helmet, dalawang two-way radio set at ballistic plate ng bullet proof vest.

Ang mga kagamitan ay nasa pangangalaga na ngayon ng police provincial office sa Shariff Aguak, Maguindanao.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Jocson na ang magsasaka ay kabilang sa mga taong dumating sa lugar ng engkuwentro ng Philippine National Police – Special Action Force and Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Tukanalipao.

Sinabi ng magsasaka na ilang mga residente pa ang kumuha ng kagamitan ng mga namatay na pulis gaya ng mga baril, mobile phone, camouflage uniforms at combat shoes.

“I hope other villagers or the MILF and BIFF will return the items owned by the slain policemen,” ani Jocson.

Apatnapu’t apat na commando, 18 rebeldeng Moro at apat na sibilyan ang namatay sa police surgical operation na umutas sa Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Sugatan ngunit nagawang makatakas ng kanyang kasabwat na Pilipino na si Abdul Basit Usman.