LAGING nasa huli ang pagsisisi, at ‘yan ay isa lamang sa pinakamasasakit na katotohanan ng buhay. Gustuhin man natin, hindi na mababawi ang nangyari na. Pero kung may paraan para makabalik sa nakaraan, may babaguhin ka ba?
Sundan si Mirae Na at ang kanyang 57-year old na sarili habang sinusubukang ayusin ang kaniyang buhay sa Future’s Choice na nagsimula na nitong February 16 sa GMA.
Kuwento ito ni Mirae Na (Yoon Eun Hye), 32-year old telemarketer na nangangarap maging bahagi ng isang broadcasting company. Makikilala niya ang isang matandang babaeng nagsasabing siya si Mirae ng hinaharap. Sabihan man ng misteryosong babaeng ito si Mirae na huwag tanggapin ang trabaho bilang writer sa YBS station, ay mas pipiliin pa rin niyang tuparin ang kanyang pangarap.
Makikilala rito ni Mirae ang mayabang na si Brix Kim (Lee Dong Gun), isang dating news anchor na siyang mapapangasawa niya. Si Brix ang dahilan kung bakit nagdurusa ang 57-year old Mirae at nagtulak dito para piliting bumalik sa nakaraan.
Si Xander Park (Jeong Yong Hwa) naman ay ang lihim na tagapagmana ng YBS station, at nagpapanggap na isang baguhang cameraman para suriin at bantayan ang bawat isa sa mga nagtatrabaho sa istasyon. Dahil tahimik, misteryoso, at mapagmahal sa trabaho, magugustuhan siya ni Tori Seo (Han Chae-ah), isang competitive reporter na susubukang paganahin ang kanyang charms kay Xander, pero hindi mapapansin dahil mas naaakit ito kay Mirae.
Malaki ang pagsisisi ng 57-year old Mirae (Choi Myung-gil) sa pagpapakasal niya kay Brix. Dahil nahihirapan na siya, ninais niyang bumalik sa nakaraan para baguhin ito. Kahit mahirap, susubukan niyang gabayan ang mas batang Mirae sa paggawa ng mga desisyong magdudulot sa kanila ng masayang buhay.
Damhin ang ihip ng nakaraan sa theme song na Kung Maibabalik Ko Lang na awit ni Julie Anne San Jose at subaybayan ang nakakaaliw at nakakakilig na kuwento ng Future’s Choice sa GMA-7.