Ito ang una sa dalawang bahagi. Ayon sa National Statistics Office (NSO), ang antas ng walang trabaho sa Pilipinas ay nasa 6.8 porsyento noong 2014, mas mababa ng kaunti kaysa sa 7.2 porsyento noong 2013. Batay naman sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014, umabot sa 27 porsyento ang adult joblessness. Noon lamang buwan ng Oktubre 2014, iniulat ng NSO na 2.48 milyong manggagawa ang walang hanapbuhay, kumpara sa 2.63 milyon noong Oktubre 2013. Tinataya naman ng SWS na 12.4 milyong mamamayan na nasa edad ang walang hanapbuhay. Magkaiba man ang bilang na sinasabi ng NSO at SWS, nangingibabaw pa rin ang katotohanan na nananatiling malaking suliranin pa rin ang kawalan ng trabaho sa bansa. Idagdag pa rito ang underemployment, o pangangailangan ng karagdagang pagkakakitaan, na tinatayang nasa 18.4 porsyento noong 2014, bahagyang mababa kaysa sa 19 porsyento sa sinundang taon.

Ang Pilipinas ay itinuturing na isa sa pinakamabilis ang pagsulong ng ekonomiya sa Asia. Ngunit hindi maitatatwa na namamalagi ang kawalan ng trabaho sa kabila ng malakas na ekonomiya. Ito ang tinatawag na jobless growth, o ang pag-unlad ng ekonomiya na walang kaakibat na paglikha ng hanapbuhay. Sa pamamagitan ng aking mga negosyo ay tumutulong ako sa pagbibigay ng hanapbuhay sa ating mga manggagawa. Kasabay nito, patuloy kong isinusulong ang adbokasiya sa entrepreneurship o pagnenegosyo, dahil naniniwala ako na ang mga negosyante ang nasa magandang posisyon na makinabang sa paglago ng ekonomiya. Ang mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ay magandang pagkakataon para magtagumpay ang mga pumapasok sa negosyo. Gaya ng sinasabi ko sa nakaraang dalawang taon, ngayon ang pinakamagandang panahon para magnegosyo sa Pilipinas, dahil patuloy ito sa pagsulong sa kabila ng mga krisis sa daigdig.

Batay sa tradisyon, ang pamahalaan ang nagbibigay ng sigla sa ekonomiya sa pamamagitan ng paggugol sa iba’t ibang proyekto at aktibidad. Kabaligtaran ang nangyari noong nakaraang taon, dahil nga ang pribadong sektor ang siyang nanguna. Dapat samantalahin ng pamahalaan ang kasiglahan ng sektor ng pagnenegosyo upang lalong mapabilis ang paglago ng ekonomiya. Kasabay naman nito, bukas ang pinto para sa mga Pilipino na maging entrepreneur at makibahagi sa benepisyong dulot ng pag-unlad ng ekonomiya.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente