Limampung manlalaro ang kasalukuyang pinagpipilian ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang bumuo sa Sinag Pilipinas na asam panatilihin ang gintong medalya at dominasyon ng bansa sa larangan ng basketball sa 28th Southeast Asian Games na idaraos sa Hunyo 5 hanggang 16.
Sinabi ni Team Philippines chef de mission Julian Camacho na pangungunahan ni Kiefer Ravera ang 48 iba pang pinakamagagaling na amateur cagers ng bansa na nasa listahan kung saan kasama rin ang orihinal na miyembro ng Gilas Pilipinas at naturalized center na si Marcus Douthit.
“We have set March 1 as the deadline of submission for the final composition of all team ang individual sports,” sabi ni Camacho ukol sa koponan na gigiyahan ng bagong coach at dating Australian national coach Tab Baldwin.
Asam ng Pilipinas na madagdagan pa ang pagpapanatili ng gintong medalya sa 12 sunod na taon matapos huling mabigo sa kada dalawang taon na torneo noong 1989. Mayroon na itong kabuuang 16 na gintong medalya at isang pilak sapul nang sumali sa SEA Games.
Si Ravena ay kabilang sa huling koponan na giniyahan ng multi-titled coach na si Joseph Uichico tungo sa gintong medalya kasama ang nananatili sa amateur na si Bobby Ray Parks Jr. at ngayon ay mga propesyunal nang sina Greg Slaughter, Jake Pascual, Ronald Pascual, Kevin Louie Alas, RR Garcia, Terrence Romeo at Raymund Almazan.
Ang listahan ay binubuo ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang liga sa bansa sa pangunguna ng UAAP at NCAA kung saan naglalaro sina Scottie Thompson, Kobe Paras, Moala Tautuaa, Roi Sumang, Baser Amer, Mike Tolomia, Mark Belo, Arnold Van Opstal, Gelo Alolino, Glenn Khobuntin at Mark Tallo.
Ilang propesyunal na manlalaro rin na kabilang sa orihinal na Gilas Pilipinas ang nakatala sa listahan na posibleng isama sa komposisyon upang palakasin pa ang pambansang koponan.
Matatandaan na winalis ng Sinag Pilipinas ang anim nitong magkakasunod na laban noong 2013 SEA Games upang agad na siguruhin ang gintong medalya sa torneo.