NEW YORK (AP)– Sumiklab para sa 41 puntos si Russell Westbrook, kulang ng isang puntos para mapantayan ang NBA All-Star Game record, at tinalo ng Western Conference ang East, 163-158, kahapon.
Nagtala ang Oklahoma City speedster ng rekord na 27 puntos pagdating sa halftime at isinara ang kanyang scoring sa dalawang free throws, kinulang ng isang puntos para makatabla sa rekord na 42 si Wilt Chamberlain sa laro noong 1962. Siya ang ibinoto bilang game MVP.
Sa pagtugtog ng “New York, New York” ni Frank Sinatra, naging malinaw na si Westbrook ang naghari sa lahat ng pinakamagagaling sa NBA.
‘’It’s amazing. It’s a blessing to be here in New York City,’’ sabi ni Westbrook sa MVP ceremony.
Nagdagdag si James Harden ng 29 puntos, 8 rebounds at 8 assists para sa West, na itinayo ang 20 puntos na bentahe sa first half at lumayo matapos tumabla sa 148 ang iskor, may 4 minuto pang natitira.
Nagtapos si LeBron James na may 30 puntos, ngunit hindi niya nagawang igiya ang East sa panalo sa kanyang paboritong NBA arena.
Ang 3-pointer ni Harden ang bumasag sa final tie, may nalalabi pang 4:02, at sinundan ito ng magkakasunod na basket ni Chris Paul. Ang ikalimang 3-pointer ni Westbrook ang nagselyo sa laro sa 158-149, may 2:22 pa sa orasan.
Si Kyle Korver ng Atlanta ay gumawa ng pitong 3-pointers at umiskor ng 21 puntos para sa East, habang nag-ambag naman si John Wall mula sa Washington ng 19.
Ang mas nakatatandang si Pau Gasol ang nakakuha sa jump ball laban sa kapatid na si Marc upang buksan ang All-Star game na nagtatapos sa magkapatid na starters.
Sumirit ang West patungo sa 20-puntos na abante sa likod ng 27 first half points ni Westbrook, ngunit natapyas ito ng East at dumikit sa 83-82 bago ang halftime performance ng pop star na si Ariana Grande.
Tabla sa 122 ang laban sa pagtatapos ng ikatlong yugto at naging dikdikan sa malaking bahagi ng fourth period.