Desperado na ang Philippine National Police (PNP) na magkaroon ng bagong hepe na magsisilbing inspirasyon sa 150,000 tauhan nito matapos ang demoralisasyon na idinulot ng pagkamatay ng 44 na police commando sa Mamasapano, Maguindanao.

Ito ang iginiit ni Chief Supt. Generoso Cerbo, tagapagsalita ng PNP, matapos ihayag ang kanyang suporta sa mga panawagan sa Malacañang na magtalaga na ng bagong hepe ng pambansang pulisya na isa sa mga pinag-ugatan ng pumalpak na operasyon sa Mamasapano noong Enero 25.

“Kailangan namin ng isang inspirasyon, na may kakayahang mamuno para sa 150,000 tauhan ng PNP,” ayon kay Cerbo.

“Kailangang malakas ang kanyang impluwensiya sa organisasyon, na may kakayahan sa larangan ng seguridad, pagpapatupad ng batas, at pangalagaan ang kaligtasan ng publiko,” giit niya.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Agad namang nilinaw ni Cerbo na ang kanyang saloobin ay pansarili at hindi sumasalamin sa damdamin ng buong organisasyon.

Aminado ang ilang opisyal ng PNP na bumagsak ang moral ng kanilang mga tauhan, partikular ang PNP-SAF, matapos mapatay ang 44 na commando sa pakikipagbakbakan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano dahil sa kawalan ng koordinasyonn ng pulisya at militar.

Mayroong ding kumakalat na ulat na target ng ilang personalidad ang PNP-SAF sa umano’y pinaplanong coup de ‘etat laban kay Pangulong Aquino.

Sa kabila nito, naniniwala si Cerbo na hindi kakagat ang mga tauhan ng PNP-SAF sa recruitment ng mga nagpaplanong pabagsakin ang administrasyong Aquino dahil “ang PNP ay isang propesyunal na organisasyon” at hindi na rin kailangang magsagawa ng loyalty check sa mga tauhan nito.