sink hole

GENERAL SANTOS CITY – Isinailalim ng Mines and Geo-Sciences Bureau (MGB)-12 sa masusing monitoring ang isang sink hole sa karagatan malapit sa pampang ng Purok Tinago sa Barangay Dadiangas South, na nagbunsod ng sapilitang paglikas ng 45 na pamilya sa lugar.

Nagpadala si MGB-12 Regional Director Constancio Paye ng grupo na magsasagawa ng ocular inspection at assessment sa lugar.

Sinabi ni Engr. Benedict Ekwey, mines specialist ng MGB, na magsasagawa ang kanilang grupo ng pagsusuri sa apektadong lugar upang matukoy ang dahilan at laki ng pinsala.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Alvin Veneracion, chairman ng Bgy. Dadiangas South, nasa 45 pamilya o mahigit 200 residente ang inilikas matapos na tumaas ng mahigit dalawang metro ang tubig sa lugar.

Pansamantalang tumutuloy sa gymnasium ng Ireneo National High School ang mga inilikas.

Sinabi ni Veneracion na magpapadala ng mga disaster at rescue team sa lugar upang ma-monitor ang galaw ng tubig.

Ayon sa mga residente, napansin nila nitong Linggo ng umaga na hindi payapa ang bahagi ng dagat may 10 metro ang layo mula sa pampang, hanggang biglang tumaas ang tubig.

Sinabi ng mga residente na tinangka nilang sisirin ang sink hole at natuklasan doon ang hukay na bahagi ng dagat na may sukat na 10 metro ang diameter at nasa pitong metro ang lalim.

Ayon naman sa mga opisyal ng MGB, ang apektadong lugar ay itinuturing na no-build zone at ang mga bahay dito ay dapat na i-relocate sa mas ligtas na lugar.