Sa bisa ng Presidential Proclamation 780 na inisyu noong 2005, idineklara ang Pebrero ng bawat taon bilang Philippine Marathon for the Pasig River Month upang mapaigting ang kamalayan at mangalap ng suporta para sa kampanyang pagandahin ang makasaysayang 28-kilometrong ilog, na isang sentro ng kalakalan noong unang panahon. Namamahala ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa pagpapanumbalik ng dating kaluwalhatian nito, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources, ang Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig (KBPIP), ang river-rehabilitation project ng television network ABS-CBN Foundation, at iba pang public at private agencies.
Nilikha sa bisa ng Executive Order 65 ang PRRC noong Enero 19, 1999, upang ibalik ang lagusan sa puso ng Metro Manila sa dati nitong dalisay na kondisyon na angkop para sa transportasyon, libangan, at turismo. Tumutulong ang multi-agency partnership sa pagpapatupad ng mga proyekto upang linisin ang mga estero at ilipat sa bagong lokasyon ang mga informal settler na naninirahan sa mga pampang ng ilog. Kabilang dito ang pagdaraos ng “Philippine International Marathon (PIM): A Run for the Pasig River.” Tatahakin nito ang ruta ng pampang ng Pasig River, at ipakikita ang mauunlad na komunidad ng Manila, Mandaluyong, Makati, Taguig, Pasig, Pasay, Caloocan, at San Juan.
Unang inorganisa ang PIM ng KBPIP noong Nobyembre 8, 2009, na may 23,000 runner. Ang 10.10.10 Run for the Pasig River noong Oktubre 2010 ay may 116,086 runner na sumira sa Guinness World Record para sa “most participants in a racing event”. Ang marathon noong Nobyembre 2011, na may 86,547 runner, ang pinakamalaki sa taon na iyon. Noong 2012, ang Run, Ride, & Roll for the Pasig River ay may mahigit 70,000 kalahok na tumakbo sa Commonwealth Avenue. Noong 2013, magkakasabay na takbuhan ang idinaos sa Quezon City, at sa iba pang bahagi ng bansa., at sa Burbank, California. Ang pondong nalikom ay ginamit sa rehabilitasyon ng mga estero sa Paco, San Miguel, Uli-Uli, Aviles, San Sebastian, Quiapo, at sa Sampaloc sa Manila, at sa Valencia sa Quezon City.
Habang humahakbang na ang mga proyekto ng rehabilitasyon, maaaring luminis na ang Pasig River sa basura, ang matamo uli nito ang natural na ecosystem, at magsilbing daan ng transportasyon sa pamamagitan ng ferry service na pinangangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority.