Maaaring matagalan pa bago mapukaw ang atensiyon ng sambayanan, na ngayo’y nakatutoksa Mamasapano massacre, sa iba pang mga isyu. Sa mga sandaling ito, hinahagilap ang may responsibilidad. Sino ang sisisihin sa napakaraming namatay – isang malinaw na kabiguan ng estratehiya at taktika ng militar? Gaano kalayo pataas ang chain of command – o line of authority, kung iyan ang gusto mo – umaabot ang pananagutan?

Matindi ba ang lawak ng galit kung kaya dapat igiit ang pagbibitiw o pagpapatalsik sa Pangulo? O ang panawagang ito ay sumasalamin sa diskuntentong nararamdaman ng iba’t ibang sektor sa iba pang mga isyu? Halimbawa na lang ang mga political leader na kumukondina sa paglulustay ng pondo ng bayan upang matamo ang makikitid na layunin tulad ng pagpapakulong sa mga oposisyonista. O mga religious leader na nakadarama na pinagtaksilan sila ng mga programa ng gobyerno na lumalabag sa mga paniniwala ng Simbahan tulad ng kabanalan ng buhay na nagsisimula sa sinapupunan. O ang pagsasabi sa karaniwang mamamayan na ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ay lumalago ngunit wala namang nakikitang epekto sa dinaranas nilang hirap ng buhay.

Pagkatapos ng Mamasapano probe, papaling ang atensiyon sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakatengga sa Kongreso ngayon. Maraming mambabatas ang nagdeklara ng kanilang pagtutol sa BBL, kung saan sa ilalim nito magpapakilos ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng isang Bangsamoro Political Entity na may napakaraming political, economic, judicial, at iba pang powers sa sarili nitong teritoryo sa Mindanao. Ang anumang pag-asa na maipapasa ng Kongreso ang BBL ay nakasalalay sa kung gaano kahusay matatakasan ng MILF ang sisi para sa Mamasapano massacre.

Sa bandang huli, gayunman, hindi natin maiiwasan ang pangangailangan para sa autonomous government para sa mga Moro ng Mindanao – at para sa iba pang grupo sa iba pang bahagi ng Pilipinas na naniniwalang mas uunlad sila kung may lokal na autonomy. Mayroon na tayong isang Cordillera Administrative Region. Maaaring may iba pang rehiyon na may kapareho ring pananaw ang mga lokal na opisyal na posibleng hindi nakikita ng “imperial Manila” ang mga problema sa rehiyon kasing linaw na nakikita ng mga lokal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Maraming taon na ang nakalilipas, maraming pambansang leader, kabilang sina dating Sen. Aquilino Pimentel Jr., ang nanawagan para sa isang federal system na gobyerno upang matugunan ang katotohanang ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t ibang ethnic groups na may kanya-kanyang problema at hinaing. Sa federal system, mas epektibong matutugunan ng gobyerno ang mga problemang ito.

Maraming bansang federal sa daigdig – ang United States at Spain, na ating dalawang inang bansa sa kasaysayan; kasama ang Canada, Austria, Germany, at Switzerland. Anuman ang mangyari kalaunan sa planong Bangsamoro, magiging mas mainam para sa ating mga leader na tumanaw pa sa mas malayo at alamin kung paano ang isang federal system of autonomous regions – may may iba’t ibang antas ng autonomy, tulad sa Spain – matutugunan ang maraming problemang dulot ng ating pagkakaiba-iba, habang pinananatili ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.