17RONDA copy

TARLAC CITY– Isinuot ni Ronald Oranza ang simbolikong pulang damit bilang overall leader sa ginanap na Luzon qualifying leg matapos dominahan ang matinding akyatin ng 136.9 kilometrong Stage One sa Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC na nagsimula sa Tarlac Provincial Capitol at nagtapos sa ituktok ng Monasterio de Tarlac.

Nanatili muna sa lead group ang 22-anyos na miyembro ng Team Philippines na si Oranza bago kumawala sa huling 10 kilometro kasama sina Elmer Navarro at kakampi sa national squad na si Jerry Aquino Jr. upang masungkit nito ang panalo sa una sa dalawang lap sa karera kung saan ay naitala nito ang kabuuang oras na 3 oras, 32 minuto at 09 segundo.

Una munang nagtangkang kumawala, matapos ang 78 kilometrong tinahak, ang lima kataong grupo na binubuo nina Oranza, Norberto Oconer, Rey Martin, 2011 Ronda champion Santi Barnachea at si Aquino Jr. bago ang matinding pag-ahon na sinandigan ni Oranza upang iuwi ang P25,000 premyo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Grabe ho ang akyatin,” sinabi ng mula sa Villasis, Pangasinan na si Oranza na kagagaling lamang sa paglahok sa Asian Cycling Championships sa Nakhon Ratchisima, Thailand kung saan ay tumapos ito na nasa ika-18 puwesto sa pangkalahatan.

“Laspag na laspag po ako. Grabe ang akyatin,” pahayag pa ni Oranza na mag-isang tumawid sa finish line kasunod si Navarro na naghabol mula sa ikatlong grupo at ang kakampi nito sa Philippine Navy na si John Paul Morales para sa ikalawa at ikatlong puwesto sa magkatulad ding oras.

Kasunod ng grupo ang mga dayuhan na sina Edgar Nieto, Angel de Julian Vasquez, ang sumungkit ng pilak sa Asian Cycling Championships na si John Paul Morales at ang mga miyembro ng pambansang koponan na sina Mark Julius Bordeos, John Mark Camingao at Ronald Lomotos.

Gayunman, hindi nakatapos ang Spaniard na si Nieto, gayundin ang lokal na si Leonel Biocarles, upang maiwanan na lamang sa kabuuang 64 ang sasabak sa pagsikad ngayon ng ikalawang araw ng karera na aakyatin ang matarik na Mabitac at Teresa sa Antipolo.

Agad naman nagpakitang gilas ang 16-anyos na si Jay Lampawog na mula sa Villasis, Pangasinan matapos na pamunuan ang juniors division sa pagwawagi sa kanyang unang stage lap sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi kasama ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang media partners.

Umabot sa kabuuang 66 ang lumahok sa qualifying leg para sa Luzon na kinabibilanan ng 66 elite at Under 23 riders habang 11 sa juniors at ang dalawang babaeng siklista na nagsasanay para sa kanilang paglahok sa 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.