Pinangalanan ni Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV si dating Defense Secretary Norberto Gonzales na umano’y nasa likod ng pagpaplano ng kudeta laban kay Pangulong Aquino gamit ang isyu ng pagkakapatay sa 44 police commando sa Mamasapano, Maguindanao.

Walang pag-aalinlangan na inguso ni Trillanes, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, si Gonzales na nasa likod ng pagpapabagsak sa administrasyong Aquino.

Nagsilbi bilang kalihim ng Department of National Defense (DND) noong termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, inilarawan din ni Trillanes si Gonzales bilang “may tililing”.

Bukod kay Trillanes, nagbabala rin si Sen. Miriam Defensor Santiago laban sa isang grupo na nagpaplanong pabagsakin si PNoy dahil sa mainit na isyu sa pagkakapatay ng 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon pa kay Trillanes, na dating Navy officer na namuno ng nabigong kudeta laban kay GMA, nakatanggap siya ng impormasyon na nangangalap na ng tauhan si Gonzales mula sa Armed Forces of the Philippines upang makibahagi sa pinaplanong coup laban sa Aquino government.

Ipinaliwanag pa ni Trillanes na nagdesisyon siyang ilantad ang pangalan ni Gonzales bilang babala sa mga miyembro ng AFP na huwag magpadala sa panlilinlang ng mga destabilizer ng gobyerno tulad ng dating kalihim ng National Defense.

Subalit naniniwala si Trillanes na walang mabibiktima si Gonzales sa kanyang planong kudeta dahil sunog na rin sa publiko ang tunay na pagkatao nito.