Maaring nawala sa Talk ‘N Text ang kanilang reliable leader at team captain na si Jimmy Alapag, makaraan nitong magretiro, ngunit mayroon pa rin silang masasandigan na si Jayson Castro para sa hangad nilang kampeonato ng PBA Commissioner’s Cup.

Sa pagkawala ni Alapag, inako ng tinaguriang “The Blur” ang take-charge role ngayong conference para sa Tropang Texters, na unti-unting umaangat sa standings, kasunod ng naitalang panalo laban sa Barako Bull at Barangay Ginebra San Miguel.

Ang 28-anyos na si Castro, isa sa nasa likod ng Gilas Pilipinas’ silver-medal finish noong 2013 Fiba-Asia men’s championships sa bansa ay nagtala ng team-high na 16 puntos, kabilang dito ang dalawang clutch three-point baskets sa final period para pangunahan ang Talk ‘N Text sa 80-75 paggapi sa Barako Bull, ang una nitong pagkatalo ngayong conference.

Dalawang araw matapos abg laro, nagsalansan naman ang dating Philippine Christian University (PCU) standout ng 31 puntos sa huling tatlong quarters bago sinelyuhan ang kanyang kabayanihan sa isang interception sa inbound pass ni Mac Baracael para kay LA Tenorio, may nalalabi pang 2.3 segundo sa orasan, upang tulungan ang Talk ’N Text na maitakas ang 104-103 panalo kontra sa Barangay Ginebra.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagtala si Castro ng average na 23.5 puntos, 5.5 assists, 4.0 rebounds at 2.5 steals sa nasabing back-to-back wins kaya naman siya ang napiling Accel-PBA Press Corps. Player of the Week sa pagitan ng Pebrero 9-15.

Dahil sa dalawang panalo, umakyat ang Talk ‘N Text at nakisalo sa ikalawang puwesto sa defending champion Purefoods Star papalapit sa kalagitnaan ng single-round eliminations.