Jaycee Chan

BEIJING (AP) - Humingi ng dispensa sa publiko ang anak ni Jackie Chan nang palayain sa anim na buwang pagkakakulong dahil sa pagpayag na gumamit ng marijuana sa kanyang apartment.

Sinabi ni Jaycee Chan, 32, sa isang news conference na ibinabalik niya ang kanyang sarili para sa pamilya at sa kanyang entertainment business career. Ayon sa kanya, “no reason, no excuse” siya sa pagkakadakip sa kanya kasama ang Taiwanese actor na si Ko Kai, at iba pa, noong Agosto.

“After this correction by the justice system, I have changed my outlook on life and my values,” ani Chan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sina Jaycee at Kai ay nagpositibo sa marijuana, at nakumpiskahan ng pulisya ng mahigit 100 gramo (3.5 ounces) ng nasabing droga sa kanyang apartment sa Beijing. Maaari siyang makulong ng hanggang tatlong taon, ngunit napaiksi ito dahil sa pag-amin sa korte sa kanyang pagkakasala.

Sa news conference, humingi ng dispensa si Jaycee na ipinalabas nang live sa Chinese state broadcaster na CCTV, na naglalayong matuto ang iba sa high-profile case at paigtingin ang pagkontra sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Umabot sa 53 porsiyento o mahigit 1,800 kaso na may kaugnayan sa droga ang naitala sa Beijing noong unang bahagi ng nakaraang taon. Mahigit 8,400 suspek naman ang nahuli, at lumalabas na tumaas ng 79 porsiyento ang ganitong kaso noon ding nakaraang taon.

Si Chan, anak ng dating Taiwanese actress na si Lin Feng-jiao, ay lumaki sa Los Angeles at lumabas sa may 20 pelikula na karamihan ay low-budget production ng Hong Kong at mainland China.

Humingi rin ng dispensa sa publiko ang ama ni Jaycee na si Jackie Chan sa paggamit ng droga ng una, at nangakong tutulong siya sa muling pagbangon ng anak. Naging sensitibo ang insidente para kay Jackie, na isang Chinese anti-drugs ambassador at deputy to the national legislature’s main consultative body.

Ayon kay Jaycee, hindi nakialam ang kanyang ama sa kaso at hindi siya binigyan ng special treatment sa bilangguan, na ayon sa kanya, ay “quite harsh” ang kondisyon.

Inamin ni Jaycee na una siyang nakagamit ng marijuana noong nagpunta siya sa Netherlands walong taon na ang nakakaraan, at naging regular user lang siya sa nakalipas na dalawang taon.

“I’m very ashamed that I haven’t been a good role model,” ani Jaycee. “I want to start again, but I know that it’s the mass media that will decide.”

Malaki ang epekto sa kanyang entertainment career ng pagkakahuli kay Jaycee, na ilang Chinese management company ang nagsabing hindi sila tatanggap ng mga celebrity na nahuli o mahuhuling gumagamit ng droga.