Hindi lamang si Senador Miriam Saniago ang naniniwala na hindi alam ni Presidente Aquino ang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na bayaning miyembro ng Special Action Forces ng Philippine National Police (PNP). Maging ang higit na nakararaming mamamayan ay nakikiisa sa paninindigan ng naturang mambabatas na ang Pangulo, kasama ang nagbitiw na si PNP Chief Alan Purisima, ay may pananagutan sa madugong masaker sa panig na iyon ng Mindanao.

Ang nabanggit na mga bintang ay paulit-ulit namang pinabubulaanan ng Malacañang. Maging ang mga mambabatas na kaalyado ng Pangulo ay halatang-halata sa pagtuturuan na nagiging dahilan upang lalong umilap ang katotohanan sa isinasagawang Senate at House hearing. Matindi ang aking pangamba na baka pati ang Fallen 44, kasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay, ay mapagkaitan ng katarungan.

Naniniwala ako na alam ng sinumang presidente ng alinmang bansa ang mga nangyayari sa kanilang nasasakupan, lalo na ang tungkol sa pambansang seguridad o national security. Malawak ang kanilang intelligence network.

Si Presidente Fidel V. Ramos, halimbawa, ay hindi mapaiikutan sa mga nagaganap sa paligid. Tulad ng mga peryodista, matindi ang kanyang pang-amoy, wika nga, sa mga nagaganap sa paligid. At ito ang katangiang laging hinahangaan ng kanyang Gabinete. Minsan, ikinabigla ko ang kanyang tanong: Sino sa palagay mo ang suspect sa pagpatay sa kanya? Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang brutal killing sa isang mamamahayag na hindi ko na tutukuyin ang pangalan alang-alang sa katahimikan ng kanyang kaluluwa.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Nabigla ako sapagkat nauna pa ang Pangulo na malaman ang karumal-dumal na pagpatay sa ating kapatid sa propesyon. Tayo sana ang dapat na unang makabatid sa naturang pangyayari.

Patunay lamang ito na talagang malawak ang intelligence network ng isang namumuno ng bansa, maliban kung ito ay may kaakibat na pagkukunwari at pagsisinungaling. Alamin ang mga pangyayari at akuin ang mga pananagutan kung kinakailangan.