Patay ang apat na miyembro ng magkakamag-anak habang 900 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Pasay City kahapon ng madaling araw.
Sa isinagawang clearing operation ng mga tauhan ng Pasay City Fire Department, pasado 9:00 ng umaga narekober ang apat na magkakapatong na bangkay ng mga biktima na sina Nida Lacaimat, anak nitong si Ramil, ang buntis na manugang na si Danna at apo na si Cindy na pinaniniwalaang nahulog sa creek nang matupok ng apoy ang kanilang bahay.
Inaayudahan na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Pasay ang mga apektadong pamilya na karamihan ay walang naisalbang gamit at pansamantalang nanunuluyan sa malapit na gym.
Sa inisyal na ulat, bago 4:00 ng madaling araw sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Barangay 201 Merville Access Road at mabilis na kumalat sa mga katabing tirahan na gawa sa light materials kaya idineklara ang sunog sa general alarm.
Aabot sa 300 bahay ang naabo at nadamay din ang isang warehouse ng balikbayan boxes at imbakan ng mga tela sa lugar bago naapula ang sunog bandang 8:00 ng umaga.