Nagmistulang `Valentine’s Date’ para sa maraming pamilya ang inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’ LEARN matapos sama-samang sumali sa itinuturo at isinasagawang sports sa programa na iniendorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang.

Ikinatuwa mismo ni PSC Chairman Richie Garcia na unti-unti nang nararamdaman ng publiko ang direksiyon at nais maabot ng community-based at family physical fitness program na maituro ang kahalagahan ng may malulusog na katawan at magandang samahan sa bawat pamilya.

“Sports should really starts inside each and every family,” sabi ni Garcia. “Mas masaya at nagkakaroon ng bonding kung sama-samang sasali sa mga sports na gusto nilang matutunan ang mga miyembro ng bawat pamilya. Hindi lang sila natututo, naaalagaan pa nila ang kanilang kalusugan.”

Hangad ni Garcia na lalo pang palawakin ang pagsasagawa ng programa kung saan sa kasalukuyan ay mayroon na itong kabuuang 12 probinsiya at siyudad na pinagsasagawaan na kinabibilangan ng naunang Luneta Park, Quezon City Memorial Circle at ang Aguinaldo Shrine and Freedom Park sa Kawit, Cavite.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Ipinapatupad na rin ang programa sa People’s Park sa Bacolod City, Freedom Park sa Iloilo City, San Carlos City sa Negros Occidental, Cebu City, Paranaque City, Baguio City, Tagum City sa Davao Del Norte at sa nalalapit simulan na Vigan City sa Ilocos Sur at Kalibo sa Aklan.  

Samantala, naitala ang pinakamaraming bilang ng lumahok sa Kawit Laro’t-Saya noong Sabado, Pebrero 14, kung saan kabuuang 529 ang nagpartisipa na nahati sa zumba (400), badminton (23), volleyball (77) at taekwondo (29).

Umabot naman sa 407 katao ang nakisaya sa Luneta Park kung saan isinagawa ang Zumba (323), arnis (8), chess (35), karatedo (13), volleyball (15) at badminton (13).