Taal

MULING umagaw ng pansin ang Taal nang ganapin ang masaya, makulay at makasaysayang Ala-Eh! Festival na isinabay sa pagdiriwang ng ika-433 taong pagkakatatag ng lalawigan ng Batangas.

Ang Taal ay minsang naging kabisera ng probinsiya. Dahil sa Ala-Eh! Festival, pansamantala itong naging sentro uli ng probinsiya.

Bb. Emilie Katigbak

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Suhestiyon ni Emily Katigbak, provincial tourism officer, ang pagdiriwang ng Ala-Eh Festival sa Taal na agad namang sinang-ayunan ni Governor Vilma Santos-Recto.

“Timely ang pagkakapili namin sa Taal para maging host ng Ala-Eh Festival dahil part of our tourism development plan ‘yung enhancement of history, arts and culture na one of the projects din ng DOT (Department of Tourism).

Ang Ala-Eh! Festival ay taunang selebrasyon na nagsimula nang maging gobernador si Vilma Santos-Recto at ikapitong pagdiriwang na ang isinagawa nitong nakaraang Disyembre.

Ito ang festival ng mga festival na nagpapakilala ng mga produkto at tourist spots sa iba’t ibang bayan at lungsod sa buong probinsiya ng Batangas.

Sinimulan sa kapitolyo, sumunod sa Lipa City, Tanauan City, Calaca, Batangas City at itong huli ay sa Taal, ang heritage town ng lalawigan.

Naghahanda naman ang Sto. Tomas para maging host town ngayong taon ayon kay Katigbak.

Dahil sa paganda nang pagandang presentasyon ng Ala-Eh! Festival, hangad ng lalawigan na mapabilang ito sa National Calendar of Activities.

Burdang Taal

PRODUKTO NG TAAL

Isa ang pagbuburda sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga taga-Taal. Kapag sinabing burdang Taal, elegante at maganda ang disenyo ng isang barong o saya.

Dinarayo ang Taal dahil bukod sa bantog sa magagandang mga disenyo ay masinop at matibay ang pagkakaburda sa barong at saya.

balisong sa sanga

Kilala rin ang Taal sa paggawa ng balisong na madalas ibinibigay bilang souvenir sa mahahalagang tao na dumadalaw sa lalawigan bilang simbolo ng pagiging matapang ng mga Batangueño.

Ipinagmamalaki rin sa Taal ang mga pagkaing tulad ng tapa, empanada, sinaing na tulingan at suman na ayon kay Katigbak ay hindi nakakasawang balik-balikan.

Matatagpuan din sa Taal ang pinakamatanda at pinakamalaking basilica sa Asya, ang St. Martin de Tours.

Sa simbahan ng Taal pinipili ng ibang mga celebrity na magpakasal dahil makasaysayan ang lugar.

Sa Taal din matatagpuan ang puting bahay ni Marcela Agoncillo, ang bayaning lumikha ng pambansang watawat ng Pilipinas.

LAKBAY ARAW SA TAAL

Hindi mawawala sa listahan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ang mga pasyalan sa Taal kapag nagsasagawa ng Lakbay Aral sa Batangas.

Ayon kay Katigbak, kapansin-pansin ang pagdami ng mga turista na nagtutungo sa Batangas dahil na rin sa promosyong dulot ng Ala-Eh Festival.

Palagiang kabilang ang Taal sa iterinary ng mga nagsasagawa ng Lakbay Aral dahil sa makasaysayan ang naturang bayan at maipagmamalaki ang mga produkto dito.

Ang Taal ang isa sa pinakamaraming dumarayong turista dahil na rin sa historical landmark nito.

Mayroon nang mga bahay-tuluyan at resort sa Taal tulad ng Imperial Resort sa Barangay Tulo na pag-aari ng ni Mother Lily Monteverde. Sa naturang resort ginanap ang swimsuit competition ng Mutya ng Batangas.

Sa Taal unang isinagawa ang fun run na bagong bahagi ng Ala-Eh! Festival. Nagkaroon din ng trade fair, photo exhibit, at ang unang agri-fair.

Nagkaisa ang senior citizens at kabataan sa inihandang street party at food festival.

Nagkaroon din ng float parade, festival dance, at court dancing competition na sinalihan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Batangas.

Higit sa lahat, nasiyahan ang lahat ng mga bisitang dumating dahil sa napakagagandang tanawin sa Taal, mula sa mga sinaunang bahay hanggang sa kalikasan, na nakakatanggal ng stress o pagod ng katawan.