MAG-INGAT sa mga batang hamog na tumatambay at nanghihingi ng limos sa tapat ng ABS-CBN ELJ Building at McDonalds along Scout Albano, Quezon City.

 Nakita namin si Ronnie Liang na nakaparada sa tapat ng McDonalds noong Biyernes ng alas singko ng hapon kaya kinumusta namin at masayang ikinuwento ng singer na kagagaling lang niya ng Amerika for a show with Sarah Geronimo. Nabanggit din niyang dadalo siya sa Film Art sa Hong Kong Film Festival sa Marso 23-25 dahil kasama ang pelikula niyang Esoterika Maynila na idinirek ni Elwood Perez.

Namukhaan si Ronnie ng mga dumadaan kaya may mga bumabati at may nakipag-selfie pa, hanggang sa may tatlong batang hamog na lumapit sa sasakyan niya, dalawang babae na kulot ang buhok at isang bading na payat na pilit siyang hinihingan ng limos.

Kaagad namang kumuha ng barya si Ronnie sa may lagayan ng barya niya sa manibela at hindi niya napansin na natangay na pala ang LV wallet niya na nakalagay sa sleeve ng pintuan ng sasakyan. 

Metro

Klase, government offices sa NCR, Region III at IV-A suspendido sa Hulyo 25

Kaya pala maski na nagbigay na ng barya si Ronnie ay ayaw pa ring umalis ng mga batang hamog, at ‘yung isang kamay ay hindi naming napansin na nakadukot na at sobrang bilis talaga.

Hanggang sa naghiwalay na kami ni Ronnie, at pagkalipas ng dalawang minuto ay tumawag na siya at sinabing nawawala ang wallet niya na naglalaman ng malaking halaga, ATM cards, driver’s license, apat na credit cards kasama ang American Express, spare keys ng condo unit at sasakyan bukod pa sa mga dokumentong nakalagay ang tirahan niya.

Okay lang daw mawala ang pera, mas importante ang bagay na laman dahil malaking abala na mawala ang mga iyon sa kanya.

“Nagsigurado na rin ako, Reggee, ini-report ko na sa bangko ang mga ATM at credit cards ko, ‘yung sa Amerika na lang, tinawagan ko pinsan ko na inform na lang niya ang bank,” sabi uli niya later.

“’Tapos ‘yung drivers license ko naitawag ko sa LTO at next week daw mapapalitan, ‘buti na lang may California driver’s license ako na puwede raw i-honor dito sa Pilipinas for six months.

“Mabuti na lang at hindi ko nailagay sa wallet kasi nasa bolt kasama ng passport ko. 

“Ang worry ko, ‘yung mga spare keys kasi nandoon ‘yung address ko, kaya nagbilin na ako sa building administrator na higpitan ang mga taong papasok. 

“Magpapalit na agad ako ng lock ng unit ko para sigurado, ‘yung sa kotse magpapalit na rin ako. Mahirap na,” sunud-sunod na pahayag ng binata. 

Kahapon ng umaga ay pinuntahan ni Ronnie ang McDonalds para i-report ang pangyayari at nagulat siya dahil marami na palang reklamong natatanggap din. Karamihan sa mga biktima ay taga-ABS-CBN din.

Ipina-blotter na rin niya ang nangyari sa police station na malapit sa ABS-CBN at hoping na makilala niya sa line-up ang mga batang hamog na kumuha ng wallet niya.

Pinayuhan namin si Ronnie na huwag nang ilagay lahat sa wallet ang ATM/credit cards at driver’s license niya kasi nangyari na sa amin ito na natangay lahat nang madukutan din kami ng wallet. 

Ito ang rason kung bakit naka-rubber band lang ang cards namin na parating pinapansin ni Bossing DMB at ng iba pang nakakakita, bakit hindi raw namin inilalagay sa pitaka.

Lesson learned at babala na rin sa lahat, kapag may mga batang hamog na kumukuyog sa inyo, maging alisto na.