HINDI lang Pinay beauties ang humahataw sa mga beauty pageant sa labas ng bansa. Maging sa male pageant, kinikilala na rin ang tikas at galing ng mga Pinoy.
Remember PO2 Neil Perez, ang nagpahayag na kasama sana siya sa “SAF 44” kung hindi lang siya naging abala sa Mister International preparation?
Masasabing ang pagsali niya sa Mister International ang nag-save sa kanyang buhay, if not, nakasama sana siya sa encounter ng SAF at mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao nitong nakaraang buwan.
Ang ating guwapo at matipunong representative sa 9th Mister International sa Korea ang pinalad na makasungkit ng titulo bilang unang Mister International ng Pilipinas.
Ayon sa Missology info, si Neil ay isa sa early favorites sa male contest na ginanap sa Seoul, South Korea, noong Valentines Day.
Hindi naitago ni Neil ang kanyang luha sa mata nang tawagin siyang winner lalo na nang ialay niya ang panalo sa mga kasamahang SAF Fallen 44.
Nagkaroon ng self-confidence ang ating pambato nang pumasok siya sa top 15, kasama ang mga bet ng Lebanon, Colombia, Poland, Slovenia, Japan, Brazil, Indonesia, Puerto Rico, Guam, Mexico, Thailand at Czech Republic. Hanggang sa makasama pa rin siya sa piniling top 5.
Bukod sa dala-dalang lucky charm, itinuturing ni Neil na ang Pope Francis coin at police badge ang nagpanalo sa kanya at ang kanyang sagot sa Q and A portion sa tanong na, “What has been your biggest disappointment in life?”
Gumamit ng interpreter si Neil at ito ang kanyang isinagot:
“Unang-una ang aking disappointment sa aking buhay ay ang ‘di ko paggalang sa magulang ko. Kaya ko pinagsisihan ito dahil malaking bagay ang mahalin natin ang ating magulang dahil ito ang pangalawang utos ng Diyos sa ating mga Katoliko.”
Naging fourth runner-up si Mr. Slovenia, ang kinatawan naman ng Poland ang third runner-up at ang Czech Republic ang second runner-up. Ang Mr. Lebanon na mahigpit na nakalaban ni Neil ay pumuwesto bilang first runner-up.