Isang Moro Islamic Liberation Front (MILF) commander ang napatay noong Valentine’s Day sa tatlong-oras na pakikipagsagupa sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao, ayon sa militar.
Ayon kay Capt. Jo Ann Petinglay, public affairs officer ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army, nangyari ang paglalaban ng MILF at BIFF dakong 5:00 ng hapon sa Barangay Kalbugan, Pagalungan, Maguindanao.
Ang mga miyembro ng MILF ay kabilang sa grupo ni Kumander Jack Abas, habang ang mga armadong BIFF ay pinangungunahan ni Kumander Gani Saligan, sa ilalim ni Shiek Muhiddin Animbang, alyas Karialan.
Inabot ng tatlong oras ang engkuwentro, ayon kay Petinglay.
Isang miyembro ng MILF na nakilalang si Datukong Ampuan, alyas Kumander Falcon, ng MILF 108th Base Command, ang napaulat na napatay sa paglalaban.
Hindi pa natutukoy ng militar ang bilang ng nasawi sa panig ng BIFF.
Nangyari ang paglalaban nitong Sabado, limang araw makaraan ang unang sagupaan ng parehong grupo ng mga rebelde sa Pagalungan din.
Ayon sa mga ulat, 30 minuto ang itinagal ng paglalaban noong Pebrero 9, matapos na atakehin ng grupo ni Saligan ang grupo ni Commander Falcon.
Nasawi sa insidente ang isang kasapi ng BIFF, at dalawang iba pa ang nasugatan.