Bukod sa madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao na 44 na pulis ang napatay, may tatlo pang ibang bagay na ikinadidismaya ang mamamayan sa administrasyong Aquino.
Ayon kay Senior Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, inutil si Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagresolba sa napipintong pagtaas ng singil sa kuryente, tubig at sunud-sunod na oil price hike.
Sinisi ni Colmenares ang ipinatutupad ng gobyerno na deregulasyon, pagsasapribado at liberalisasyon sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at dagdag-singil sa kuryente at tubig.
“Sa kaso ng mga oil company, napakabilis nilang magtaas ng presyo ng petrolyo habang napakabagal magpatupad ng price rollback. Bakit kailangan nilang magtaas ng presyo habang marami pa silang buffer stock na kanilang binili sa mas mababang presyo?” tanong ni Colmenares.
Nataon pa, aniya, ang pagtaas ng presyo ng langis sa nakakasang dagdag-singil sa kuryente at tubig na ipatutupad ngayong buwan.
“Add to this the impending power rate hike and water rate hikes then consumers are again given another burden. As for the impending power rate hike, we have yet to get the full report of the Energy Regulatory Commission (ERC) on the collusion investigation of generation companies (gencos) which is long overdue but Meralco is again using the same reasoning of simultaneous plant outages as the reason for the increase,” anang kongresista.
Samantala, sinabi ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na dapat munang magpatupad ng refund ang Maynilad at Manila Water Company sa dagdag-singil sa supply ng tubig. Ito ay bunsod ng P414.5-bilyong multa na ipinataw ng gobyerno sa dalawang water concessionaire dahil sa kabiguang maipatupad ng kanilang proyekto na siningil na sa mga consumer.