“Nasaan ang mga reinforcement?”
Sa kainitan ng bakbakan, ito ang paulit-ulit na tanong ni Senior Insp. Ryan Pabalinas habang napapaligiran ang kanyang tropa ng mga armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa liblib na lugar ng Mamasapano, Maguindanao na nagsimula ng madaling araw ng Enero 25.
Subalit sa kabila ng paghingi ng tulong sa pamamagitan ng radioman ng Tactical Command Post, walang dumating na reinforcement hanggang sa wala nang marinig na boses sa radyo dakong 2:00 ng hapon.
Ang paulit-ulit na paghingi ng tulong ng mga Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na noo’y naiipit sa matinding bakbakan na nai-record ng radioman, ang nagbunsod sa pagluha ng mga miyembro ng Board of Inquiry na naatasang mag-imbestiga sa pagkamatay ng 44 na police commando.
“Mararamdaman mo na hanggang sa kanilang huling hininga ay umaasa silang sila ay mare-rescue,” pahayag ng isang imbestigador.
“At mula roon, malalaman mo rin na hindi sila umatras sa bakbakan kahit pa naisip nilang inabandona na sila bago sila namatay,” dagdag ng source.
Bagamat 44 na commando ang napatay sa insidente, nasagip naman ng rumesbak na militar ang 28 pang miyembro ng PNP-SAF.
Sinabi rin ng isang source na kabilang sa BOI na naging emosyonal din ang radioman dahil wala itong magawa habang sumisigaw ng tulong ang mga naiipit na SAF.
“Sila ay aming mga kapatid at nagkakaisa ang lahat upang mailabas ang katotohanan kung ano talaga ang nangyari at sino dapat ang managot sa pagkamatay ng 44 na commando. Ito ay upang maiwasan na maulit ang kahalintulad na trahedya sa mga darating na panahon,” pahayag ng source.
Sa Pebrero 26 nakatakdang ilabas ng BOI ang resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano carnage.