Bagamat aminado sa pagkakaantala ng kasong graft na inihain laban kay dating Cavite Gov. Erineo Maliksi, isinisisi ito ng prosekusyon sa kaguluhang pulitikal na noong termino ni Merceditas Gutierrez bilang Ombudsman.

Ito ang dahilan kung bakit hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan Second Division na ipagpatuloy ang pagdinig sa kasong katiwalian laban kay Maliksi matapos itong ibasura kamakailan dahil sa “inordinate delay” sa pagsulong ng kaso sa Ombudsman na tumagal ng halos siyam na taon bago naisampa.

“Naparalisa ang Office of the Ombudsman dahil sa political turmoil,” pahayag ng prosekusyon sa kanilang inihaing motion for reconsideration sa Second Division.

“The State cannot lose its right to prosecute as a result of the troubled leadership of former Ombudsman Merceditas N. Gutierrez, which is general knowledge and constitutes political history that affected the nation,” giit pa ng mga abogado ng gobyerno.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sa resolusyon na inilabas noong Pebrero 2, ibinasura ng Second Division ang kaso dahil sa matagal na pagkakaantala bagamat napagtibay nito na may sapat na basehan upang paniwalaang may nangyaring pagkakasala.

“The prosecution respectfully advances that it was definitely not by whim or caprice that there was a prolonged preliminary investigation proceeding. While there was delay, we respectfully submit that it was justified and such did not prejudice accused,” pahayag ng prosekusyon.

Una nang kinasuhan ng graft ang dating gobernador matapos paboran umano ang Allied Medical Laboratories Corporation sa pagbili ng medical supplies na nagkakahalaga ng P2.5 milyon para sa 2002 Barangay Health Workers National Convention nang walang kaukulang public bidding.