LOS ANGELES (AP) – Sobra ang curiosity ng mga manonood sa isinapelikulang racy phenomenon na Fifty Shades of Grey nitong weekend. Nakakalula ang debut ng erotic drama, humakot ng tinatayang $81.7 million mula sa 3,646 na sinehan sa unang tatlong araw ng pagpapalabas nito, ayon sa distributor na Universal Pictures.
Bukod sa binura nito ang weekend record ng Valentine’s Day at Presidents Day, ang Fifty Shades of Grey ay naging ikalawang pinakamataas na February debut sa kasaysayan, kasunod ng Passion of the Christ na kumita ng $83.9 million sa mga unang araw ng pagpapalabas nito noong 2004.
Gumastos lang ang Fifty Shades of Grey ng $40 million sa produksiyon. Pinagbibidahan nina Dakota Johnson at Jamie Dornan bilang Anastasia Steele at Christian Grey, posibleng umabot sa mahigit $90 million ang kabuuang kinita ng pelikula sa apat na araw na holiday weekend.
Ayon sa Universal, 68 porsiyento sa mga nanood ng pelikula sa North America ay babae.
Sa ibang bansa, ang adaptation ni Sam Taylor-Johnson sa libro ng British author na si E. L. James ay kumita ng tinatayang $158 million mula sa 9,637 lugar sa 58 teritoryo. Ito ang ikalawang pinakamalaking international opening sa Universal, kasunod ng $160.3 million na kinita ng Fast & Furious 6, at ang pinakamataas na international opening para sa isang pelikulang R-rated.
Kasunod ng Fifty Shades of Grey ang Kingsman: The Secret Service ng direktor na si Matthew Vaughn, kumita ng $35.6 million mula sa 3,204 lokasyon sa unang tatlong araw na pagpapalabas nito, ayon sa Rentrak.
Pumangatlo ang animated children’s film na The SpongeBob Movie: Sponge Out of Water na kumita ng $30.5 million sa ikalawa nitong weekend sa mga sinehan, kasunod ang American Sniper, na humakot ng $16.4 million; at Jupiter Ascending, $9.4 million.