IDINEKLARA ng Republic Act (RA) 7550 ang Pebrero 16 ng bawat taon bilang Caloocan City Day, isang special non-working holiday, upang ipagdiwang ang anibersaryo ng pagkalungsod ng Caloocan. Noong 1961, idineklara ng RA 3728 ang Caloocan bilang chartered city. Pinagtibay ng mga mamamayan ng Caloocan ang deklarasyon sa isang plebisito noong Pebrero 16, 1962.

Ang mga pangunahing aktibidad sa pagdiriwang ay kinabibilangan ng: Inagurasyon ng isang Special Development Center; may motorcade na may floats na nagtatampok ng mga proyekto at mga kandidata ng Miss Caloocan 2015; may cultural shows, isang senior citizens’ Valentine’s Party; may kasalang bayan; Caloocan Schools’ Athletic League Championship; mega-caravan ng mga pangunahing serbisyo sa covered court ng Barangay 152; Outstanding Caloocan Achievers Night; isang mega job fair sa City Hall North, “Konsyerto sa Monumento” at Chinese New Year countdown at fireworks sa Monumento Circle; Miss Caloocan 2015 talents night at koronasyon; Mobile Passport Services sa City Hall South; isang bicycle fun ride; at ang taunang festival ng “Pamaypay ng Caloocan”.

Kilala bilang “The Gateway to the North,” ang Caloocan City, sa pamumuno ni Mayor Oscar G. Malapitan, ay dating maliit na baryo ng Tondo noong panahon ng Kastila. Ito ngayon ang pangatlong pinakamataong lungsod, at tanging nahating lungsod sa bansa – ang Southern at Northern Caloocan.

Tinatamasa ng lungsod ang mataas na business trust rating na nagpasimula ng pagdami ng mga gusali. Ang malalaking proyekto – isang picnic grove, isang sports complex, isang commercial complex – ay handa na para sa bidding ngayong taon.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

“The administration continues to work directly with investors, opening its doors to a free–flowing monthly dialogue between businessmen and city’s department heads to thresh out problems and gridlocks in business-related procedures,” anang tagapagsalita ng tanggapan ng mayor.

Mayaman sa kasaysayan at kultura, ang pangunahing mga destinasyon ng lungsod para sa mga turista at mag-aaral ay ang Tala Leprosarium, na itinayo noong 1940, at ito ang pinakamatandang leprosarium sa Asia; ang Bonifacio Monument, ang tanyag na landmark na itinayo bilang parangal kay Andres Bonifacio; at ang Gubat sa Ciudad Resort, para sa mga retreat, camping, kaarawan, at company outings.

Ang dating baryo ng Caloocan, ang Balintawak, ang lugar kung saan ginawa ng mga Katipunero ang kanilang makasaysayang “Unang Sigaw” upang simulan ang rebolusyon laban sa Spain. Noong 1762, ang Caloocan ay naging sentro ng mga prayleng Spanish Augustinian. Noong 1765, ang unang Simbahang Katoliko ay itinayo sa baryo. Noong 1815, ang Caloocan ay naging independiyenteng munisipalidad.

Ayon sa alamat, nakuha ng Caloocan ang pangalan nito mula sa Tagalog na “lo-ok” (bay) dahil malapit ito sa Manila Bay, samantalang ang iba naman ay nagsasabi na ipinangalan ito sa isa pang salitang Tagalog na “sulok” dahil dati itong nasa sulok kung saan nagtatagpo ang mga bayan ng Tondo at Malabon.