Hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan Fifth Division na huwag pagkalooban ng tatlong oras na furlough si Senator Jinggoy Estrada upang makadalo ang senador sa misa sa San Juan City sa kanyang kaarawan bukas, Pebrero 17.

Bagamat nakikisimpatya sila sa senador sa kahilingan niyang makapiling ang kanyang pamilya sa kanyang kaarawan, iginiit ng prosekusyon na obligasyon nila na kontrahin ito.

“As a necessary incident of his detention, his movement should be restricted,” iginiit ng mga abogado ng estado sa kanilang komento sa petisyon ni Estrada. Ayon sa prosekusyon, nagdeklara na ang Korte Suprema na bagamat hindi pa rin binabalewala ng korte ang constitutional right ng mga pre-trial detainee, nagiging limitado pa rin ang kanilang mga karapatan habang sila ay nakapiit.

“Accordingly, being a detainee, accused Estrada’s movement should be restricted, instead of being expanded,” dagdag ng prosekusyon.

VP Sara ipapa-subpoena ng NBI at DOJ; posible raw makasuhan

Una nang hiniling ni Estrada, na kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, sa Sandiganbayan Fifth Division na pagkalooban siya ng tatlong oras na furlough – mula 3:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi – upang makadalo siya sa misa sa Pinaglabanan Church sa San Juan City na taunang tradisyon ng kanyang pamilya.

Nagbabala ang prosekusyon na maaaring magkaroon ng maling impresyon sa publiko na pinapaboran ng korte si Estrada bilang isang mataas na opisyal ng gobyerno kapag napagkalooban siya ng furlough.

Nahaharap si Estrada sa kasong plunder na may kinalaman sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.