GENERAL SANTOS CITY – Hinamon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kaugnayan nito sa grupong Jemaah Islamiyah matapos mapatay ng tropa ng gobyerno ang wanted na international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” sa teritoryo ng MILF.

Iginiit ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, na may impormasyon ang liderato ng MILF sa kinaroroonan ni Marwan at kakutsaba nitong si Abdulbasit Usman sa teritoryo ng mga rebeldeng sesesyunista sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, na roon din napatay ang 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25.

Bukod sa 44 na commando, napatay din sa engkuwentro ang 18 mula sa MILF, ayon sa mga ulat.

“Bakit patuloy ang pagtanggi ng MILF na kinupkop nito sina Marwan at Basit Usman?” tanong ni Mama.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Aniya, kapwa sumailalim sa pagsasanay ni Marwan ang mga tauhan ng MILF at BIFF sa paghahasik ng terorismo at paggawa ng bomba.

Matatandaan na kumalas ang BIFF sa MILF noong 2012 dahil kontra ito sa usapang pangkapayapaan ng huli sa gobyernong Aquino.

Muling iginiit ni Mama na walang balak ang kanilang grupo na isauli ang mga armas na kanilang nabawi mula sa mga napatay na commando na kinabibilangan ng mga 90RR mortar, M-203 at M16 Armalite rifle.