SA aming ekslusibong panayam kay Bayani Agbayani, pinakawalan niya ang kanyang nararamdaman sa mga taong bumabato sa kanyang pagkatao.

Bayani AgbayaniNasasaktan si Bayani sa isyu na wala raw siyang utang na loob sa manager niyang si Tita Angge at sa TV5 executive na si Ms. Wilma Galvante, ang dalawang taong pinagkautangan niya ng loob para marating ang kalagayan niya ngayon. May kinalaman ang isyu sa nalalapit niyang pagbabalik-ABS-CBN.

Nagsimula sa Kapuso, naging Kapamilya si Bayani, at bumalik saglit sa Siyete at nakipagsapalaran din sa TV5.

“Wala na akong trabaho sa Channel 2 noon, kaya nagbakasakali ako sa iba. Ang huli ko sa Channel 2, ‘yung Dragona with Shaina Magdayao. After ng Dragona, matagal akong nabakante,” umpisang kuwento ni Bayani.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nagpatulong siya kay Noel Ferrer na subukan uli ang GMA, pagkatapos niyang kausapin ang dating manager na si Tita Angge.

“Nag-dinner kami ni Tita A, nagpaalam ako nang maayos, pero siyempre kahit na ano pang sabihin mo, magtatampo ‘yun kahit pa matagal pa ang pinagsamahan namin.”

Ipinaliwanag niya kay Tita A na huwag magsisihan sa nangyari dahil pareho naman silang nagkaroon ng magandang trabaho noong magkatuwang sila sa pamamalakad ng kanyang career.

“Hindi ko naman po siya puwedeng dalhin sa GMA-7 kasi (loyal) siya sa Channel 2, although ando’n pa rin ‘yung tampo sa akin.”

Nawala lang ang sama ng loob ni Tita Angge kay Bayani nang pumanaw ang nanay nito habang naroroon ito sa Amerika.

“Bilang kapamilya na rin ni Tita A, ako ang nag-asikaso. Pagbalik niya mula Amerika, nagkita kami at sabi sa akin, ‘Absuwelto ka na’,” na ang ibig sabihin ay wala nang itong tampo sa kanya.

Katunayan, last January 18, sama-sama silang nag-dinner sa kanyang bahay sa Tivoli Subdivision, Commonwealth, Q.C.

From Kapuso, naging Kapatid din si Bayani bagamat matumal ang raket niya. Nagkaroon siya ng trabaho sa tulong ng mga kaibigang sina Sharon Cuneta at Aga Muhlach.

“Si Aga, si Sharon, everytime may project, meron silang plus one. Suwerte ko naman at ako ang lagi nilang tinutulungan.”

Nang matapos ang show nina Aga at Sharon, nabakante uli siya.

Mabuti na lang at isinama siya ni Robin Padilla bilang ‘judge’ sa Talentadong Pinoy, at nalaman ng action superstar na madalas siyang ‘nganga’ o walang assignment.

“Sabi sa akin ni Robin, hangga’t wala ka pang offer, gagamitin kita sa aking sitcom (2 1/2 Daddies)’. Sabi ko, ‘okay, walang problema’. Dapat ang umpisa ng 2 1/2 Daddies last year hanggang sa na-delay nang na-delay. Nag-shoot sila ng January at nagkataon naman sa pilot taping namin tumawag si Tita Linggit (Tan, ABS-CBN executive). Sabi niya, ‘yung project na inihahanda ng ABS, naapruban na.”

Ito ang reality search for a comedian show ng Kapamilya, ang Funny Juan, na pagsasamahan nila ni Jason Gainza.

“Nag-text si Ms. Linggit Tan sa akin, ipinakita ko ‘to kay Robin. Sabi ko kay Binoe, ‘Noe, kinukuha ulit ako ng ABS-CBN. Maraming-maraming salamat sa ‘yo, ang sabi ko sa kanya. Sabi naman niya sa akin, ‘Sige, i-grab mo ‘yan, ibang opportunity ‘yan. Sabi ko thank you. Hanggang sa ‘di na ulit kami nagkita.”

Una niyang ginawa, tinawagan ang EP ng 2 ½ Daddies para magpaalam. Kasabay ng tawag din niya kay Linggit.

“Para naman hindi nakakahiya sa kanila, magpapasabi ka dapat. ‘Yun ang sabi ni Tita Linggit, mag-i-start na raw ang Funny Juan, at ‘pag na-delay baka ‘di na matuloy ang show ko sa ABS. Anyway, two sequences lang naman ako sa sitcom. Pasalamat ako kay Robin dahil sa ‘binigay niyang trabaho, niyakap pa nga niya ako. ‘Tapos nagpaalam ako sa direktor, sa lahat po, kay Ma’m Joanna, parang counterpart ni Ms. Wilma. Nag-text din ako kay Ninang Wilma pero ‘di siya nag-text back.

“’Yung sinasabing project na naapruban na (Funny Juan), dapat one of the judges lang ako do’n, hindi akin ‘yung show. Hanggang sa sinabi na lang ni Tita Linggit na napakasuwerte ko at ginawa na nila akong isa sa mga host.”

Isa sa mga dahilan kung bakit nag-decide siyang bumalik sa ABS-CBN ay dahil hindi siya binigyan ng ‘imahe’ ng TV5.

“Three years yata ako sa kanila, ang ikinalungkot ko, no’ng nag-countdown ang TV5 sa Circle ‘di ako kasama. Alam ko, dito ako belong, eh. No’ng magtrabaho ako sa ABS, sa ABS lang ako nagtrabaho, no’ng magtrabaho ako sa GMA, sa GMA lang ako. No’ng nasa TV5, in-associate ko sarili ko as TV5 talent, na kahit na sinong nagtatanong sa akin, proud ako na nasa TV5 ako, although wala akong kontrata, still dito ako nagtatrabaho. Ang gusto ko lang magkaroon ako nga affiliation.

“Nanay ko nagtanong sa akin, naglillinis ako ng sasakyan noon, ‘Anak, ba’t andito ka, eh, may countdown ngayon ang TV5, ah? Sabi ko, ‘Nay, hindi yata ako taga-TV5?’” emosyonal na kuwento ng komedyante.

“No’ng nagsimba ako ng gabi ng New Year, ipinagdasal ko na magkaroon ako ng trabaho. Eversince naman ‘pag nagdadasal ako hindi ako nanghihingi ng trabaho. Pero nagdasal ako no’ng New Year, ‘Lord sana po, bigyan Ninyo ako ng trabaho. Sana po, magkaroon naman ako ng hitsura sa tao kung saan po talaga ako istasyon’.”

Sa lahat ng mga biyayang kanyang tinatanggap, nahihiya na sana siyang humingi sa Panginoon. Kaya ang laman dati ng kanyang dasal, “Lord, kahit na huwag mo na akong bigyan ng trabaho, basta’t malulusog lang mga anak ko at ang pamilya ko. Eh, lagi namang malusog.

“Pero, heto, ang ibinigay Niya sa akin, ‘yung blessings na ibinigay Niya sa akin, sobra-sobra na kahit hindi na ako magtrabaho, okay na kami.”

Ipinasilip niya sa amin ang kanyang three-storey house sa Tivoli na may apat na kotseng nakaparada. Ang panganay niyang anak ay nasa second year college, Culinary Arts ang course.

Masinop at maingat kasing humawak ng mga kinikita si Bayani katuwang ang asawang si Len. Si Bayani ang dapat tularan ng mga kagaya niyang komedyante na kapag sobra ang agos ng suwerte ay marunong magsubi para sa kinabukasan.