Inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tinaguriang “Pink Jeepney” na may biyaheng Pateros-Guadalupe bilang alternatibong transportasyon para sa mga commuter sa Metro Manila.
Kaakibat ang Guadalupe-Pateros Jeepney Operators and Drivers’ Association (GUACEMPAJODA), para sa programa ay 14 na jeepney ang nagboluntaryo na magsasakay hindi lang ng kababaihan kundi maging ng kabataan at mga person with disabilities (PWD) tuwing rush hour.
May temang “Para sa Interes ng Kababaihan, Kabataan at may Kapansanan,” ang 14 na jeepney na pininturahan ng pink ay imamaneho ng mga driver na nakasuot ng pink na uniporme. Bibiyahe ito simula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon at 7:00 ng gabi.
“Isang malaking tulong ang proyektong ito ng GUACEMPAJODA upang magkaroon ng convenient na transportasyon ang kababaihan, kabataan at may mga kapansanan lalo na tuwing umaga at hapon sa kanilang pagpasok at pag-uwi sa kanilang mga pinapasukan at paaralan,” pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez.
Pormal na inilunsad ang “Pink Jeepney” sa Pateros Town Plaza na dinaluhan ng mga lokal na opisyal ng munisipalidad, ng LTFRB, ng mga kinatawan ng GUACEMPAJODA, ng NAPC Women’s Sector, ng kabataan at ng mga may kapansanan.