Nang nagsimula siyang magsaka sa isang ektaryang palayan noong 2004 ay sinabi ni 38-anyos Leonardo Corpuz na wala siyang natatanggap na farming equipment mula sa gobyerno.
Itinanggi rin ng magsasaka, mula sa Umingan, Pangasinan, na nakatanggap siya ng ayuda para sa agricultural improvement livelihood package na dapat ay ipinamahagi ng mga non-government organization (NGO) ni Janet Lim Napoles, sa pamamagitan ng pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Senator Juan Ponce Enrile.
“Wala po akong natanggap kahit isa po,” pahayag ni Corpuz nang tanungin ni Associate Justice Alex Quiroz sa kanyang pagtestigo sa pagdinig sa kasong plunder laban kay Enrile.
Ito ang unang pagkakataon na iniharap ng prosekusyon ang isang magsasaka bilang testigo upang patunayan na napunta ang pondo ng PDAF ni Enrile sa mga ghost project.
Kasama ni Corpuz na tumestigo sa Sandiganbayan si Rogelio de la Cruz, 42, isa ring magsasaka mula sa Umingan, na nagsabing pineke ang listahan ng mga benepisyaryo ng pondo upang palabasin na nakatanggap sila ng ayuda mula sa pork barrel fund ng senador.
Ipinakita rin ng prosekusyon sa mga magsasaka ang mga gamit sa pagsasaka na dapat sana’y kanilang natanggap tulad ng sprayer, fertilizer at kalaykay.
Subalit sinabi nina Corpuz at De la Cruz sa korte na wala silang natatanggap na gamit na pinondohan ng PDAF.