ISULAN, Sultan Kudarat - Tahasang inamin ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nasa pag-iingat ng kanilang grupo ang mahigit 10 matataas na kalibre ng armas, mga uniporme, mga bullet-proof vest at ilang personal na gamit ng mga napatay na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) nang makaengkuwentro nila ang mga ito, kasama ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Sa panayam nitong Pebrero 12, malinaw na sinabi ni Mama na hinding-hindi isasauli ng BIFF ang mga nasabing gamit ng SAF, na kinabibilangan ng 90 RR, isang M-203, baby armalite at iba pang matataas na kalibre ng armas.

Aniya, gagamitin nila ang nasabing mga armas sa pakikipagbakbakan sa tropa ng gobyerno na magtatangkang sumalakay sa kanilang kampo, at nilinaw na nasa “defensive posture” lang ang BIFF sa hindi tinukoy na lugar sa Maguindanao.

Dagdag pa ni Mama, pagdating sa usapin ng magkakamag-anak laban sa tropa ng gobyerno, gaya ng nangyari sa Mamasapano, ay nagsasama-sama sila. Gayunman, inamin niyang may pagkakataong sila-sila mismo ang nagbabarilan, gaya ng nangyari may tatlong araw na ang nakalipas sa Pagalungan, Maguindanao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Wala rin aniyang pakialam ang BIFF sa usapan ng gobyerno at MILF kasunod ng hamon na subukan ng tropa ng gobyerno na pasukin ang kanilang kampo at tiyak, aniya, na “magkakaubusan”.

Mariin namang kinontra ng ilang lokal na opisyal at residente ng Maguindanao, kabilang si Mamasapano Mayor Benzhar Ampatuan, ang paghamon ni Mama na aniya ay walang magandang kahihinatnan.