Laro sa Martes: (FilOil Flying V Arena)

2 p.m. – NU vs ADMU (jrs. finals)

Nagsalansan ng 20 puntos si Mark Dyke at kumamada ng 17 rebounds upang pangunahan ang defending champion  National University (NU) sa paggapi sa Ateneo de Manila, 76-72, sa Game One ng kanilang best-of-three championship series ng UAAP Season 77 juniors basketball championship sa FIlOil Flying V Arena sa San Juan City.

Nagtala rin si Dyke ng 3 blocks, kabilang na ang isa kontra kay Season MVP Mike Nieto sa huling 30 segundo ng laro na isa sa naging susi sa kanilang panalo.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ang kabiguan ang una para sa thrice-to-beat Blue Eaglets matapos magtala ng 14-game sweep sa nakaraang eliminations.

“Alam namin na ang Ateneo ay hindi basta magpapatalo iyan. We just tried to motivate our players. ‘Yung experience factor malaking bagay talaga eh. We gave them the confidence para ibigay ang best nila,” pahayag ni NU head coach Jeff Napa. 

Isang 3 point play ang nakumpleto ni Dyke para ibigay ang pinakamalaking kalamangan sa Bullpups, 45-31, bago humabol ang Blue Eaglets at naibaba ang kalamangan sa 55-57 matapos ang undergoal stab ni Nieto.

Ngunit muling nakalayo ang NU sa pamumuno ni Philip Manalang, 70-62, may natitira pang 51 segundo sa orasan.

Ipinakita rin ng NU ang kanilang pagiging solido ng reserves sa pangunguna ni Oliver Wendell de Guzman na nagpakita ng quality minutes sa Game One.

“Mark is Mark. Given na iyan. Ang importante eh nag-step up ‘yung mga kasama niya. It was a total team effort, doon kami kumukuha ng lakas,” ayon pa kay Napa.

Nauwi naman sa wala ang itinalang game high 25 puntos ni Nieto na sinundan ng kanyang kakambal na si Matthew ng 19 puntos para sa Ateneo. 

Ang iskor:

NU (76) - Dyke 20, Clemente 17, Manalang 14, Ferreras 6, Sta. Ana 6, Atienza 5, Baltazar 3, Mina 3, Saquian 2, De Guzman 0, Calma 0, Camaso 0, Callejo 0, Claveria 0.

ADMU (72) - Nieto Mi. 25, Nieto Ma. 19, Mendoza 14, Andrade 5, Mamuyac 5, Joson 4, Ildefonso 0, Hassan 0, Ramos 0, Eustaquio 0, Salandanan 0.

Quarterscores: 19-19, 36-31, 56-49, 76-72