Tuluyang ookupahan ni Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice-President Jose “Joey” Romasanta ang silya bilang pangulo ng bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP).

Ito ang sinabi kahapon ng isang mataas na opisyal sa POC matapos ang isinagawang pagpupulong ng volleyball stakeholders upang makumpleto na ang ipinag-utos ng FIVB na iluklok ang mga opisyal na mamamahala sa asosasyon bago dumating ang Pebrero 15.

“Victorico Chavez will be the chairman,” sabi ng opisyal, na tumangging pangalanan.

Matatandaan na itinatag ang bagong pederasyon sa pamamagitan ng binuong 5-man committee na pinamahalaan ni Romasanta matapos na bigyan ng permiso ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at FIVB na ayusin ang direksiyon ng volleyball sa bansa at bigyan ng inisyal na rekognisyon ng International Volleyball Federation.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, napuwersa ang volleyball stakerholders na mag­luklok ng mga opisyal sa LVP upang hindi bawiin ang pagkilala sa asosasyon at ‘di masuspinde ang bansa.

Samantala, napabilang ang Pilipinas sa mabigat na Pool D kasama ang South Korea, Australia at Kazakhstan sa gaganaping 18th Asian Women’s Volleyball Championship sa Beijing at Tianjin sa China.

Isasagawa ang torneo sa Mayo 20-28 kung saan ay napasama sa pinakamabigat na Pool D ang koponan matapos ang isinagawang draw.

Napahanay ang bansa sa torneo, kasama ang 16 iba pa, matapos lumahok noong 2013 sa Nakhon, Rat­chasima sa Thailand. Tumapos na ika-12 puwesto ang Pilipinas kung saan ay tinalo nila ang Myanmar at Sri Lanka.

Hindi pa sigurado kung makalalahok ang women’s team dahil sa patuloy na nagaganap na kaguluhan sa liderato ng sport at kung makapagpapadala ng koponan.

Matatandaan na itinatag ang bagong pederasyon at nakakuha ng pagkilala sa FIVB subalit muling gumulo ang estado matapos na ipag-utos ni POC president Jose Cojuangco Jr. kay Romasanta na bitiwan nito ang LVP at ibigay sa dating PAVA president at dating kaalyado sa Kongreso na si Chavez.

Kabilang si Chavez na nahalal na opisyales sa nilusaw na Philippine Volleyball Federation (PVF) kung saan ay nais din nilang bitbitin ang ibang kasama.

Sasabak din ang nagdedepensang kampeon sa Asian Women’s na Thailand kung saan ay nakasama nila ang Chinese-Taipei, Hong Kong at Sri Lanka sa Pool B habang ang host China ay kabilang sa Pool A kabilang ang Iran, Fiji at India. Ang Japan, Vietnam, Mongolia at Turkmenistan ay nasa Pool C.

Ang mangungunang tatlong bansa sa torneo ay papasok sa World Olympic Qualifi­cation Tournament na nakatakda sa Mayo 2016.