HINDI MAREREMEDYUHAN ● May nakapag-ulat na habang tumataas ang temperatura ng daigdig dahil sa climate change, magpapatuloy sa pagtaas ang sea levels sa buong daigdig. Nagkukumahog na ang mga industriya sa buong mundo upang bawasan ang kanilang emisyon ng carbon sa hangin sa pagtatangka na ihinto ang pandaigdigang climate change bago ito humantong sa matinding pinsala (at permanente) sa ating planeta.

Noong Disyembre 2015, nagdaos ng pagpupulong ang United Nations Framework Convention on Climate Change sa Lima, Peru upang simulan ang pagbalangkas ng isang international agreement para bawasan ang mga emisyon ng carbon at pasimulan ang proseso ng paghinto ng climate change bago pa mahuli ang lahat. Sa ulat nito tungkol sa climate change, nagbigay ng babala ang Intergovernmental Panel on Climate Change na may ilang epekto ng climate change ang hindi na mareremedyuhan na malamang mangyari kung hindi babawasan ang carbon emissions sa pagtatapos ng siglong ito. May ilang epekto na hindi na maaalis magpakailanman at wala nang magagawa ang tao upang remedyuhan iyon.

***

PERMANENTENG PINSALA ● Kahit ihinto pa ng daigdig ang paggamit ng fossil fuels ngayon, ang carbon na nasa atmosphere ay hindi basta-basta na lang mawawala. May ilang paraan upang maalis ang carbon sa hangin, at ito ang tungkulin ng mga gubat at dagat bilang “depositoryo” ng carbon, ibig sabihin, may kakayahan ang mga iyon na “sipsipin” ang carbon dioxide mula sa atmosphere. Ayon sa mga scientist, mahigit walumpung porsiento ng carbon dioxide na napupunta sa hangin ang hinihigop ng mga ito sa loob ng ilang siglo. Kaya bago pa man malinis ang hangin sa pamamagitan ng mga gubat at dagat, hindi mararanasan ng hererasyong ito ang sariwang hangin sa mga panahong iyon. Ang natitirang dalawampung porsiyento ng carbon dioxide ang nananatili sa atmosphere sa loob ng isang millennia (sanlibong taon lang naman). At dahil tumataas ang sea level bunga ng pagkatunaw ng ice caps, may mga isla na liliit ang espasyo, ang iba naman ay lulubog sa dagat; babahain ang karamihan sa mga lungsod at magkakaroon ng mass evacuation na maaaring pagsimulan ng matinding kaguluhan. May ilang uri ng hayop din ang mauubos ang lahi sapagkat hindi makatatagal sa init ng climate change. At kapag isa-isa nang uri ng hayop ang nabubura sa mundo, susunod na tayo... Tayo ang may gawa nito.

Eleksyon

Ilang araw matapos ipatupad election period, gun ban violators, pumalo na sa 85 katao