GENERAL SANTOS CITY- Ibinasura ng Ombudsman ang kasong graft na inihain laban sa isang mayor ng South Cotabato na matapos magpasabong kasabay ng anibersaryo ng kanilang munisipalidad noong 2014.
Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang rekomendasyon ni Graft Investigator Marianne Macayra na ibasura ang kaso laban kay Mayor Albert Palencia ng Banga, South Cotabato dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Association of Barangay Captains Chairman Magno Reyes; at mga konsehal na sina Janeem Reyes, at Elmer Aguirre, na nag-akusa kay Palencia ng ilegal na pag-oorganisa ng apat na pasabong sa loob ng municipal gym noong Pebrero 2014 para sa umano’y personal na interes.
Sa kanyang depensa, sinabi Palencia na ang pasabong ay bahagi ng mga aktibidad para sa ika-73 anibersaryo ng Banga na inaprubahan ng Sangguniang Bayan.
“This Office finds no sufficient basis to criminally fault respondent Palencia for his action. There is no probable cause to indict respondent for violation of Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” ayon sa resolusyon ng Ombudsman.
“There is no sufficient evidence that he initiated and sponsored the event, or that he allowed, promoted, and participated in gambling in the premises of the cockpit,” dagdag ng anti-graft court.