Karagdagang karangalan sa bansa ang nakatakdang paglahok ng Bacolod City para sa kanilang ipinagmamalaking MassKara Festival sa gaganaping Chinese International New Year’s Parade of Festival sa Pebrero 19 at 20.
Napag-alaman kay Bacolod City Mayor Monico Puentebella na pinadalhan ang dinarayong siyudad ng eksklusibong imbitasyon, matapos na mapabilang ang MassKara bilang isa sa 25 World’s Most Popular Festival, para sa kompetisyon na gaganapin sa Thsen Hsan Chui sa Hong Kong.
“The Bacolod City MassKara Festival was chosen to represent the Philippines in the celebration of the Hong Kong Chinese New Year 2015 for being one of the best festivals in the world. We are so honored to be invited and being recognized by other countries and hopefully we could bring home awards,” paliwanag ng tatayong Team Philippines head na si Rocky Puentebella, anak ng dati ring Philippine Sports Commission (PSC) commissioner.
Susuportahan ng Department of Tourism Region 6 at Philippine Tourism Authority, na ipiprisinta nina Atty. Helen Catalbas at Secretary Ramon Jimenez, ang paglahok ng Pilipinas na may kabuuang 60 katao mula sa Barangay Granado na tinanghal na pangkalahatang kampeon noong 2014 MassKara Festival.
“It is our first time that one of our neighboring countries invited us and our MassKara champion to compete. It is really an honor not just for the province for the Philippines as well,” sinabi pa ng nakababatang Puentebella.
Kabuuang 10 bansa na kinikilala sa kanilang mga makukulay at dinadayong festivities ang lalahok sa natatanging magarbong kompetisyon.
Ang lima sa 10 bansang magpapartisipa ay ang France, Germany, Japan, Korea at ang Estados Unidos na ilalarga ang kinagigiliwan nilang Miami Heat Cheerleaders.
Ang Masskara Festival ay kilala sa Hiligaynon bilang Pista sang MassKara habang ang Fiesta ng MassKara ay sa Tagalog na isinasagawa kada taon sa Bacolod City o ikatlong linggo ng Oktubre.