Galit na sinugod ng mga  biktima si  Mark Soque, 29,  sa press conference sa Camp Karingal, noong  Pebrero 12, 2015, matapos itong maaaresto sa Commonwealth Avenue kahapon sa pagpatay sa isang Korean. Sangkot din ang suspek sa panggagahasa at mga  holdapan sa lungsod.         (LINUS GUARDIAN ESCANDOR II)

Natimbog sa “Oplan Lambat, Sibat” ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang rapist na miyembro ng kilabot na ‘Resto Gang’ na nangholdap ng walong establisimiyento at responsable sa pagpatay sa isang Korean sa Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.

Sa report ni QCPD Director Chief Supt. Joel D. Pagdilao kay QC Mayor Herbert Bautista, kinilala ang suspek na si Mark Soque y Malubay, 29, nakatira sa No. 1687 Riverside Ext., Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Nasukol si Soque dakong 11:00 ng umaga ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD sa pamumuno ni P/Chief Insp. Elmer S. Monsalve sa tapat ng EVER Gotesco mall sa Commonwealth Avenue ng lungsod. Nakumpiska sa suspek ang isang .45 pistol, mga sachet ng shabu at pulang Yamaha motorcycle na ginagamit nito sa iligal na operasyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Lumitaw sa pagsisiyasat ng QCPD na si Soque ay responsable sa panghoholdap sa walong establisimiyento sa lungsod na kinabibilangan ng Genilo Derama Solution sa Maginhawa St., UP Diliman; LEJOYZ Spa sa No. 306 D. Scout Madrinan, Bgy. Laging Handa; Hugo sa E. Rodriguez Ave. cor Tomas Morato Ave.; Fiesta Food Inc. sa No. 22 East Ave.; Infinity Tea House sa No. 28 Regalado St., Fairview; VM Design sa No. 196 B. Katipunan Ave.; Hoy Panga Restaurant sa No. 73 D Commonwealth Ave. at Beanlet Coffee House sa Holy Spirit Drive, Bgy. Holy Spirit.

Ayon sa CIDU, modus operandi ng grupo ni Soque na tutukan ng baril ang mga biktima at hinuhubaran para hindi makahabol.

Sa VM Design ay ginahasa pa ng mga suspek ang dalawang Korean at binaril at napatay naman ang isa pa papasok sana sa establisimiyento.