DAVAO CITY - “Hindi dapat isuko ang ongoing peace process ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kahit pa nangyari ang madugong engkuwentro noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.”
Ito ang naging pahayag ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman sa media kahapon.
Sinabi ni Hataman na ang insidente sa Mamasapano “ay hindi dapat na makapigil sa mga mambabatas na suportahan ang pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) at ang pagtatatag kalaunan ng Bangsamoro government.”
Sinuspinde ang pagtalakay sa BBL sa dalawang kapulungan ng Kongreso matapos ang engkuwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi pa ng gobernador na ang prosesong pangkapayapaan ang pinakamainam na opsiyon upang matuldukan ang ilang dekada nang kaguluhan, paglikas at kawalang progreso sa ilang bahagi ng Mindanao.
“Mahigit P3-bilyon record na halaga ng investments ang bumuhos sa ARMM noong 2014 bilang isa sa mga dividend ng kapayapaan at aaprubahan na rin ng Board of Investments sa lugar ang halos isang bilyong piso na halaga ng karagdagang investments sa pagtatapos ng buwan,” ani Hataman.
Nitong Lunes, inihayag ng Mindanao Development Authority (MinDA) na umabot na sa mahigit P863 milyon ang bumuhos na investments sa ARMM ngayong taon.
“Ang pangako ng pangmatagalang kapayapaan ang humikayat sa mga investor na mamuhunan sa rehiyon, na matagal na naisantabi dahil sa kawalang katatagan ng socio-economic climate,” sabi ni Hataman.
Aniya, hindi dapat na pahintulutan ng mga senador at kongresista na maapektuhan ng Mamasapano incident ang ilang taon nang negosasyong pangkapayapaan na pinaghirapan ng gobyerno at ng MILF.
Inilarawan ang engkuwentro sa Maguindanao na “shocking and painful”, sinabi ni Hataman na higit na nakagugulat para sa kanya ang panawagan ng ilang sektor na magkaroon ng “all-out war” sa Mindanao.
“Huwag po tayong bumitaw. Ituloy po natin ang paghahanap ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, ituloy po natin ang usaping pangkapayapaan,” sabi ni Hataman.