Ipinagdiriwang ngayon ng City of Parañaque ang kanilang ika-17 anibersaryo ng cityhood nito ngayong Pebrero 13. Ito ay isang special non-working holiday, sa bisa ng Proclamation No. 543, upang bigyan ng pagkakataon ang mga residente na makilahok sa cultural festivities tulad ng Sambalilo Festival, Regatta de Palanyag, Caracol, Komedya, at Bati-bati, pati na rin sa events tulad ng job fair, tiangge, trade showcase, at magarbong parada.
Ang Parañaque, na dating munisipalidad ng Rizal province, ay naging bahagi ng Metro Manila noong Nobyembre 7, 1975, sa bisa ng Presidential Decree No. 824. Binubuo ito ng dalawang congressional district at dalawang legislative district na nahahati pa sa 16 barangay.
Dahil sa kalapitan nito sa Manila Bay, ang Parañaque, sa pamumuno ni Mayhor Edwin L. Olivarez, ay isang pangunahing trade at business center. Ito ay isang lumalagong lungsod; ang pinakaabalang shopping hub nito ay ang Baclaran kung saan naroon ang tanyag na Redemptorist Church na tahanan ng pilgrim image ng Mother of Perpetual Help; at ang maraming tindahan ng dry goods. Ang iba pang palatandaan ay ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 at ang main Duty-Free store. Sa Amvel Business Park idinaraos ng mga tagasunod ng El Shaddai ang kanilang fellowship at prayer meetings.
Ang tradisyunal na kabuhayan ay ang paggawa ng asin, pangingisda, pagtatanim ng palay, paggawa ng sapatos at tsinelas, at paghahabi. Matatagpuan ang “Fisherman’s wharf” sa Barangay La Huerta, kung saan may talipapa sa tabing-dagat at may mga restawran na naghahain ng sariwang seafood. Nagtitipun-tipon at nagtatawaran ng presyo ng seafood ang mga vendor sa Bulungan sa La Huerta.
Itinatag ang Parañaque noong 1572 ng mga misyunerong Kastila at pinangalanan itong “Palanyag”. Noong 1580, si Fr. Diego De Espiñar, isang paring Augustinian, ang itinalagang tagapangasiwa ng kumbento. Tinanggap ng Council of the Definitors noong Mayo 11, 1580 ang pangalang Palanyag bilang isang idependiyenteng bayan. Ang imahe ng patron ng Palanyag, ang Nuestra Señora del Buen Suceso, ang pangatlong pinakamatandang imahe ng Santa Maria sa bansa, ay inihatid sa St. Andrew’s Church sa La Huerta noong 1580. Ang salitang Palanyag ay nangangahulugan ng “Aking liyag” na tumutukoy sa pagmamahal ng mga tao sa kanilang bayan. Ito ay kombinasyon ng “palayan” at “paglalayag”. Ang kasalukuyang pangalan ng Parañaque ay halaw sa “para aqui” na isang utos ng isang Kastila sa kanyang kutsero na huminto upang makababa siya ng karwahe.
Nang sakupin ng mga British ang Manila noong 1762, nanatiling matapat ang taumbayan sa mga kolonyalistang Kastila, lalo na sa mga Augustinian. Sa panahon ng rebolusyon ng Pilipinas noong 1896-1898, ang mga Katipunero na nakabase sa Cavite ay ginamit ang Parañaque bilang kanilang lagusan patungong Intramuros, ang sentro ng gobyerno ng Kastila sa Manila.
Ang Parañaque ay isa sa mga unang bayan na pinalaya sa World War II at ang mga gerilya nito ang tumulong sa pinagsanib na puwersang Amerikano at Pilipino upang makapasok sa Manila. Matapos ang liberasyon at ng Battle of Parañaque noong 1945, ang general headquarters ng Philippine Commonwealth at ng Philippine Constabulary ay nakaestasyon sa lungsod.