BUKAS ng 10:00 ng umaga ieere nang live ng ABS-CBN ang unang araw ng NBA All Star Weekend 2015. Itatampok sa unang araw ang BBVA Rising Stars Challenge na sasalihan ng mga rookie at sophomore na nagpapakitang-gilas ngayong taon. Ang laro ng Team USA at Team World ay ihahatid diretso mula sa Barclays Center sa Brooklyn, New York ng batikang sports analyst na si TJ Manotoc at ng play-by-play anchor na si Boom Gonzalez.

Mas exciting ang magiging laban dahil sa bagong format ng kompetisyon para pagtapatin ang young stars mula sa USA at mula naman sa iba’t ibang bansa para sa World team. Ang sampung miyembro ng bawat koponan ay pinili ng assistant coaches ng liga.

Ang mga bagitong magpapasiklab ang inaasahan na papalit sa trono nina LeBron James, Kevin Durant, Carmelo Anthony at Kobe Bryant sa pagiging All Star sa hinaharap. Ang BBVA Rising Stars Challenge ay hindi lang simpleng exhibition game na puro opensa at highlight dunks lang at walang depensa. Ito ang magpapatunay na may puwang ang mga batikang baguhan sa liga.

Ang KIA Rookie of the Year noong nakaraang taon na si Michael Carter-Williams ang star para sa Team USA sa kanilang pagdepensa ng kanilang “home court” laban sa Team World na pangungunahan naman ng 2014 Draft top pick na si Andrew Wiggins mula sa Canada. Ang mga Amerikano ay hahawakan ni Alvin Gentry na assistant coach sa Golden State Warriors at si Kenny Atkinson naman ng Atlanta ang gagabay sa World squad.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sina Mason Plumlee (BKN), Victor Oladipo (ORL), Elfrid Payton (ORL), Nerlens Noel (PHI), Kentavious Caldwell-Pope (DET), Shabazz Muhammad (MIN), Cody Zeller (CHA), Trey Burke (UTA), at Zach LaVine (MIN) ang kukumpleto sa Team USA.

Sina Nikola Mirotic (CHI, Montenegro), Giannis Antetokounmpo (MIL, Greece), Bojan Bogdanovic (BKN, Bosnia and Herzegovina), Gorgui Dieng (MIN, Senegal), Dante Exum (UTA, Australia), Rudy Gobert (UTA, France), Kelly Olynyk (BOS, Canada), at Dennis Schroder (ATL, Germany) naman ang makakatulong ni Wiggins. Si Steven Adams (OKC, New Zealand) ay papalitan ni Jusuf Nurkic (DEN, Bosnia-Herzegovina) dahil kakasailalim lang nito sa isang operasyon para sa natamong right hand fracture.

Itong laro na ba ang kanilang magiging pinto sa tunay na pagsikat sa liga at maging bagong idolo ng kabataan sa Pilipinas?

Sina TJ Manotoc at Boom Gonzalez ang magpapakilala sa madla ng mga basketbolistang ‘tila hindi pa kilala dahil sila’y mga baguhan pa lamang. Ang laro sa pagitan ng Team USA at Team World sa BBVA Rising Stars Challenge ay mapapanood ng live sa ABS-CBN Channel 2 sa ika-10 ng umaga sa February 14. Mayroon din itong primetime telecast sa ganap na 7:00 ng gabi sa ABS-CBN Sports + Action.