NAKATANGGAP ng early Valentine’s treat ang Kapuso fans sa General Santos City sa pagdalaw at pagtatanghal sa piling nila ni Marian Rivera noong nakaraang Biyernes, Pebrero 6.

Sa unang regional trip ng aktres sa taong 2015, isang buwan matapos ang inabangang wedding nila ni Dingdong Dantes, pinasaya ni Marian ang humigit-kumulang 4,000 katao sa Events and Convention Center ng KCC Mall of GenSan. Ayon sa mall officials, isa na raw ito sa pinakamalalaking event na ginanap sa KCC.

Havey na havey ang naging performance ni Marian sa kanyang Kapuso Fans’ Day. Hindi lang talaga sa pagsayaw may ibubuga ang Primetime Queen dahil bukod sa paggiling niya to the tune of Dance Again, aba’y bumirit pa siya ng Aegis medley!

‘Tila hindi pa nakaka-get over si Marian sa kanyang kasal kung saan naka-jamming niya sa reception ang Aegis rock band. Tuwang-tuwa naman ang Kapuso fans sa kanyang production number. Ilang fans din ang masuwerteng nabigyan ng pagkakataong maka-sing-along ang aktres.

National

Pag-aresto kina Guo, isang hakbang para masiguro kaligtasan ng PH -- Gatchalian

Very proud naman na pinost ni Marian sa kanyang Instagram account ang isang litrato kung saan nag-selfie siya with the audience na abot-tenga ang mga ngiti. Masaya raw ang aktres na muli siyang nakabalik sa tinaguriang Tuna Capital ng bansa. Nag-uumapaw rin ang pasasalamat niya sa mainit na pagtanggap sa kanya ng kanyang mga tagahanga.

Samantala, matapos ang GenSan, tutulak naman pa-Cebu si Marian sa Pebrero 17. Pagbibidahan niyang muli ang isang Kapuso Fans’ Day sa Gaisano Mall Carcar simula 4:00 PM.