Magbabalik sa lona ng parisukat si multi-division boxing champion Nonito Donaire Jr. na nagpababa ng timbang upang makaharap si dating WBO Latino bantamweight titlist William Prado ng Brazil sa Marso 28 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang unang laban ni Donaire matapos ang mapait na pagkatalo sa 6th round TKO kay Jamaican Nicholas Walters sa WBA featherweight unification bout noong nakaraang Oktubre 18 sa Carson, California kung saan ay lumitaw na masyado siyang maliit sa naturang dibisyon.

Sa pagbabalik sa super bantamweight division, umaasa si Donaire na matapos ang laban kay Prado ay muli siyang sasabak sa world championship bout na maaari niyang hamunin ang minsang tumalo sa kanya na si WBA at WBA junior featherweight titlist Guillermo Rigondeaux ng Cuba.

Naging kampeong pandaigdig si Donaire sa flyweight, bantamweight, super bantamweight at featherweight divisions at nagkaroon ng interim title sa super flyweight diadem kaya itinuturing siyang five-division world champion ng mga apisyonado sa boksing.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

May kartadang 33-3-0 (win-loss-draw) na may 23 pagwawagi sa knockouts, magsisilbing undercard ang laban ni Donaire sa pagdepensa ni WBO light flyweight champion Donnie Nietes kay Ceja ng Colombia.

Beterano rin si Prado na ngayon lamang lalaban sa Asya at may rekord siyang 22-4-1 (win-loss-draw) na may 15 pagwawagi sa knockouts.