Sinusuri na rin ng mga doktor ang mga taong nakasalamuha ng Pinay nurse mula Saudi Arabia na nag-positibo sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin, sa kasalukuyan ay 47 katao na ang kanilang isinasailalim sa mga kaukulang tests upang matukoy kung nahawa ang mga ito ng nakamamatay na sakit.

Kabilang aniya sa mga sinusuri ay ang mga nakasama ng Pinay nurse sa bahay, kanyang asawa, at sa mga lugar na pinuntahan nito.

Sinabi ni Garin na batay sa huling test nitong Miyerkules ng gabi sa hindi pinangalanang Pinay nurse ay positibo pa rin ito sa MERS-CoV at nananatili sa negative pressure room sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Nasa RITM na rin ang kanyang asawa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dumating ang Pinay nurse sa Pilipinas noong Pebrero 1 sakay ng Saudi Airlines flight 860.

Nakalusot ito sa paliparan dahil hindi naman ito nakitaan ng anumang sintomas ng nakamamatay na sakit at na-confine lamang ito sa RITM noong Pebrero 10 nang maglabasan ang mga senyales ng MERS-CoV.

Kaugnay nito, nananawagan si Garin sa iba pang nakasakay ng Pinay sa eroplano na makipag-ugnayan sa DOH dahil nahihirapan silang tuntunin ang ilan sa mga ito, lalo na iyong nagdeklara ng maling address.

Nabatid na 225 ang pasahero ng Saudi Airlines flight 860 ngunit 63 pa lamang sa mga ito ang tumugon sa panawagan ng DOH.

“’Pag meron pong sintomas na nararamdaman, agad pong magpunta sa RITM or sa Lung Center of the Philippines (LCP), at kung saka-sakali namang walang nararamdaman, maghintay lang sila, pupuntahan sila, kukunan ng sample at within 24 hours magkakaroon ng resulta,” abiso ni Garin.