Muling makasalo sa namumunong Meralco at Purefoods ang hangad ng Barako Bull sa pagpuntirya nila ng ikaapat na sunod na panalo sa sa pagpapatuloy ng aksiyon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Makakasagupa ng Energy Cola ang Talk ‘N Text sa pambungad na laban sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Taglay ang barahang 3-0 (panalo-talo), sisikapin ni Barako Bull head coach Koy Banal na palawigin pa ang nasimulang winning streak upang tumabla sa liderato sa Bolts at Star Hotshots na pawang taglay ang barahang 4-0.

Gaya sa unang tatlong panalo, ang kanilang pinakamagandang panimulang naitala mula pa noong 2012, sasandig ang Energy Cola sa mahusay at masipag nilang Nigerian import na si Solomon Alabi na muntik nang nakapagtala ng triple double sa nakaraang 95-86 panalo kontra sa Kia Carnival.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod dito, inaasahan din na magpapatuloy ang matindi nilang depensa para maabot ang inaasam na ikaapat na dikit na panalo.

“It was all about playing good defense and making good decisions,” ani Banal tungkol sa naitalang tatlong winning streak.

Sa kabilang dako, paghabol naman upang makabangon ang target ng Tropang Texters ni coach Jong Uichico na pinasadsad ng Bolts sa kanilang ikatlong laro, 91-83, makaraang maipanalo ang unang dalawang laban kontra sa Rain or Shine at Blackwater.

Samantala, sa tampok na laban, tatangkain naman ng Barangay Ginebra San Miguel na makapagtala ng unang back-to-back wins kasunod sa nakamit na unang panalo laban sa San Miguel Beer noong nakaraang Linggo, 95-82. Makakasagupa nila ang Carnival sa ganap na alas-7:00 ng gabi.

Ayon kay Gin Kings playmaker at Gilas standout na si LA Tenorio, basta’ t magpapatuloy ang maganda nilang teamwork at depensa ay hindi aniya imposible ang manalo.

Sa panig naman ng Kia, nais naman nilang makabawi sa kabiguang nalasap sa kamay ng Energy Cola sa nakaraan nilang laban upang masundan ang unang panalo na naiposte nila laban sa nakaraang Philippine Cup champion na Beermen noong Pebrero 4.