SUBIC BAY Freeport Zone- Tatlong malaking upsets ang gumulantang kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 beach volleyball tournament na ginaganap sa Boardwalk dito.
Tumapos lamang na ikawalo sa Season 89, sinorpresa ng tambalan nina Kathleen Barrinuevo at Mikaela Lopez ng event host Letran College ang defending women’ s champion tandem nina Gretchel Soltones at Camille Uy, 21-17, 16-21, 15-13, para sa una nilang panalo makaraang mabigo sa unang dalawa nilang laro kontra sa Emilio Aguinaldo College (EAC) at Mapua.
“Medyo nakapag-adjust na sila, kahapon kasi parang pagod siguro dahil sa puyat at sa biyahe,” ani Letran coach Brian Esquivel tungkol sa kanyang mga player, ang 19-anyos na second year Tourism student na si Barrinuevo at ang first timer na beach volley player at 20-anyos na third year Operation Management student na si Lopez.
Matapos tumabla sa second set , nagbanta pang makuha ng Lady Stags ang ikatlong dikit na panalo makaraang magwagi sa unang dalawang laban nila sa opening day kontra sa Mapua at Jose Rizal University (JRU) nang rumatsada sila sa third set at makalamang sa iskor na 11-6.
Ngunit hindi nagpatinag ang Letran at ibinaba ang lamang sa 11-12 hanggang sa makauna pa sa match point, 14-13.
May tsansa pa sanang tumabla ang Lady Stags ngunit binasag ng Lady Knights ang service ni Soltones at ibinalik ito sa kanila ni Barrinuevo sa pamamagitan ng set point kill.
“Kaya pa basta ‘di lang magbago ‘yung laro nila kasi may anim na games pa,” dagdag pa ni Esquivel hinggil sa kanilang tsansa.
Dalawa pang upsets ang naitala ng Lyceum sa men’s at juniors division matapos manaig ang kanilang mga koponan sa men’s defending champion College of St. Benilde (CSB) at defending juniors champion Arellano University (AU).
Tinalo ng tambalan nina Aram Abrencillo at Franz Binas ang Blazers pair nina Marjun Alingasa at Johnvic de Guzman, 17-21, 22-20, 15-13, upang makisalo sa kanilang biktima na taglay ang barahang 2-1 (panalo- talo) at ng Mapua na nanaig naman kontra sa University of Perpetual, 24-22, 21-17, para sa ikalawa nilang panalo.
Samantala, sa juniors division, matapos ding mabigo sa unang dalawang laro, sinorpresa ng Junior Pirates pair nina Marjon Amparo at Magtanggol Digan IV ang reigning titlist tandem nina Ferdinand Jamis at Japen Jan Pinar, 21-16, 22-20.
Isa pang upset ang naitala nang nakaraang taong fifth placerna San Sebastian College (SSC) duo nina Rodney Espejo at Romeo Teodones nang padapain nila ang dating co-leader at nakaraang taong runner-up tandem nina Aljon Barbuco at Amber Gervacio, 16-21, 21-14, 17-15, upang maangkin ang pangingibabaw sa malinis na barahang 3-0.