Inanunsiyo ni Tiger Woods kamakalawa na siya ay magpapahinga muna mula sa PGA Tour at hindi magbabalik hanggang ang kanyang laro ay “tournament-ready.”
“My play, and scores, are not acceptable for tournament golf,” lahad niya sa isang statement sa kanyang website. “Like I’ve said, I enter a tournament to compete at the highest level, and when I think I’m ready, I’ll be back.”
Sinabi ni Woods na ang injury na pumuwersa sa kanya na umatras mula sa event sa Torrey Pines noong nakaraang linggo ay walang kaugnayan sa back surgery niya sa nagdaang spring.
Ayon sa kanya, siya ay araw-araw na sumasailalim sa physical therapy at “feeling better.” Plano niyang mag-ensayo sa darating na linggo sa kanyang home course sa South Florida at masusing pag-aaralan ang laro.
“I am committed to getting back to the pinnacle of my game,” aniya. “I’d like to play the Honda Classic – it’s a tournament in my hometown and it’s important to me – but I won’t be there unless my game is tournament-ready. That’s not fair to anyone. I do, however, expect to be back playing again very soon.”
Nagtamo ang dating World No. 1 ng iba’t ibang injury sa mga nagdaang taon, sa leeg, tuhod, Achilles’ tendon, siko, at likod.
Noong nakaraang Huwebes, umatras si Woods sa first round ng Farmers Insurance Open dahil sa pananakit ng kanyang lower back. Ito ang ikatlo niyang withdrawal sa kanyang huling walong PGA stars, at ikasiyam sa kanyang career.
Mula nang mahirang na PGA Tour Player of the Year noong 2013, nakapagtala lamang si Woods ng isang top 25 sa siyam na pag-uumpisa sa pagsadsad ng kanyang world ranking mula sa No. 1 sa kasalukuyan nitong posisyon na No. 62, ang kanyang pinakamababang ranking mula sa kanyang rookie year noong 1996.
Noong Marso, sumailalim si Woods sa surgery upang maayos ang pinched nerve sa kanyang likod at nagbalik may tatlong buwan ang nakalipas, ngunit hindi ito naging masyadong matagumpay. Siya ay umatras mula sa WGC-Bridgestone Invitational dahil sa back spasms, muntik na hindi makaabot sa cut ng PGA Championship at nagpahinga ng sumunod na tatlong buwan upang sumailalim sa rehabilitasyon sa kanyang mga injury.
Nang siya ay magbalik sa kumpetisyon noong Disyembre sa World Challenge, sinabi niya na ang kanyang likod “felt great,” bagamat ang kanyang laro ay bumaba. Tumabla siya sa panghuling puwesto sa 18-man field.
Sa kanyang unang start para sa 2015, ang Phoenix Open, nahirapan si Woods sa kanyang short game, ipinoste ang kanyang pinakapangit na iskor sa ikalawang round (82), hindi napasama sa cut (lampas ng 12 shots) at tumabla sa panghuling puwesto. Sinundan ito ng withdrawal mula sa event sa Torrey Pines noong isang linggo, kung saan walong beses na siyang nagwagi, kabilang ang kanyang huling major noong 2008 U.S. Open.
Ang deadline upang mag-commit para sa Honda Classic ay sa Pebrero 20.