Dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng isang taxpayer na humiling ng paglilinaw kung dapat papanagutin sina Pangulong Benigno S. Aquino, Budget Secretary Florencio Abad, at Social Welfare Secretary Corazon “Dinky” Soliman sa umano’y anomalya sa kontrobersiyal na Conditional Cash Transfer (CCT) program para sa mga maralitang pamilya sa bansa.
Sinabi ni Atty. Theodore O. Te, tagapagsalita ng Korte Suprema, na ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang petisyon na inihain ni Romero Bayogos dahil wala sa hurisdiksiyon nito ang isyu.
Sa usapin ng teknikalidad, sinabi rin ni Te na naging basehan din ng Supreme Court ang kakulangan sa “form and substance” ng inihaing petisyon.
Nakasaad sa petisyon ni Bayogos na dapat na kasuhan ng plunder sina Aquino, Abad at Soliman dahil walang matibay na ebidensiya na naipamahagi nga ang multi-bilyong pondo sa mga maralita.
Iginiit pa ng petitioner na ilegal na inilipat din ang pondo ng CCT sa mga non-government agency.
Una nang iniulat ng Commission on Audit (CoA) na nagkaroon ng double payment sa mga pangalan na kabilang sa listahan ng benepisyaryo ng CCT. Lumitaw din sa CoA report na nagpalabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit sa P1 bilyon para sa mahigit 364,000 pamilya na ang mga pangalan ay hindi nakasaad sa database ng CCT program noong 2013.