WAGI SA BIDDING ● Sa idinaos na international bidding kamakailan para sa pagho-host ng 2015 Adventure Travel and Responsible Tourism Conference and Mart ng Pacific Asia Travel Association (PATA) ngayong taon, nagwagi ang Albay. Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, natalo ng Albay ang maraming higanteng bidder at magbibigay ito ng malaking kapakinabangan sa kanilang lalawigan na kinikilala ngayon bilang pinakamabilis na sumusulong na tourist growth area sa bansa.

Kabalikat ng PATA ang may 1,000 associate group, kasama ang mga education and hospitality, allied destination, corporate, government at industrial links; at 70 carrier at aviation partner. Ang panalo ng Albay sa PATA bidding ay ipinahayag dito kasabay ng pasimula sa tatlong taong paghu-host ng lalawigan sa kilalang World XTERRA Off-Road Triathlon nitong Pebrero 8 na nasabay naman sa unang linggo ng isang buwang singkad na Cagsawa Festival sa bayan ng Daraga. Tinaguriang XTERRA Albay Triathlon, ang sportsfest ay sinalihan ng 307 kilalang international at national triathlete.

***

DAGDAG KASIYAHAN ● Binigyang diin ni Salceda na ang PATA travel mart hosting ng Albay ay makakadagdag na naman sa buong taong serye ng international events at 20 festival ng lalawigan na tinaguriang Planet Festival ng ibayong kasiya-siyang karanasan sa mga bisita nila. Sa ikalawang bahagi ng taon, idaraos sa Albay ang ilang senior officials at technical meetings ng 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit na sa bansa gaganapin sa Nobyembre. Tatlong APEC Senior Officials’ Meetings (SOM) ang nakatakdang ganapin dito sa Albay sa Hulyo, Agosto at Setyembre. Ang panalo ng Albay sa bidding ay ipinabatid kay Salceda ni PATA executive director Martin J. Craigs, na nagsabing naniniwala ang mga kasapi nila na kaakit-akit nga ang lalawigan dahil sa marami itong maihahandog na mga kasiya-siyang hamon at pagkakaton na angkop sa uri ng kumperensiyang gagawin nila para mapasulong ang mga Emerging Destinations. Ang PATA Travel Mart ay pangunahing travel trade show sa Asia Pacific. Nagbibigay ito ng masiglang programa at magandang pagkakataon para maibabandila ang iba’t ibang travel products and services. Idineklara ng Department of Tourism ang Albay bilang pinakamabilis na sumusulong na tourist destination ng Pilipinas. Nagtala ito ng patuloy na paglago na lumukso ng 47% noong 2012, 66% noong 2013, at 52% sa second quarter ng 2014.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8