SIPALAY CITY– Sinorpresa kahapon ni Jaybop Pagnanawon ang mga premyado at dating kampeon na si Irish Valenzuela at Baler Ravina sa unang yugto ng Ronda Pilipinas 2015 Visayas qualifying leg na nagsimula sa provincial capitol ng Dumaguete City, Negros Oriental at nagtapos sa pinakamatandang Municipal Hall dito.

Jaybop Pagnanawon Isinuot ng 26-anyos na si Jaybop, isa sa dalawang anak ng dating 1986 Tour ng Pilipinas champion na si Rolando Pagnanawon na kasali rin sa karera, ang simbolikong red jersey kasama ang premyong P25,000 matapos lampasan sa huling metro sina Ravina at Valenzuela.

“Alam ko po na kaya ko sila sa rematehan kaya binantayan ko na lang sila,” sinabi ng sprinter na mula sa Talisay, Cebu na sadyang natuwa sa kanyang unang pagkakapanalo sa Ronda.

“Masaya po ako dahil nagawa ko ang gusto ni tatay na maipanalo kahit man lang isang lap,” pahayag pa nito.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Itinala ni Pagnanawon ang kabuuang oras na 4:25:10, na katulad din ng mga isinumiteng oras nina Ravina at Valenzuela.

Nanguna naman sa juniors category ang 16-anyos na si Emerson Elorem sa isinumite nitong 3 oras at 9 na minuto. Pumangalawa si Daniel Den at pumangatlo si Gilbert Enarciso. Nasa ikaapat at ikalima naman ang mga babaeng rider na sina Mariela Salamat at Abigail Sambajon.

Ang Ronda Pilipinas 2015 ay suportado ng major sponsor na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi kasama ang minor sponsors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX. Ang torneo ay may basbas ng PhilCycling sa liderato ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino at sa pakikipagtulungan ng TV5 at DZSR Sports Radio bilang media partners.

Matinding nagbantayan ang kabuuang 62 kasaling siklista sa pagtahak sa 150km bago nagkahiwa-hiwalay sa huling 22kms sa pagbagtas sa baku-bako at ginagawang kalsada sa lugar ng Bayawan kung saan ang 19 man lead group ay nahati sa tatlong grupo.

Dito inokupahan ng apat katao ang harapan na binubuo nina 2013 Le Tour champion Ravina, 2012 Ronda champ Valenzuela, Alvin Benosa at Pagnanawon.

Magtutungo naman ang buong entourage ng Ronda Pilipinas 2015 para sa isasagawang mapaghamon na Stage 2 ngayon na magsisimula sa Bacolod City Plaza sa Araneta Avenue at magtatapos sa Bacolod City Government Center.

Kabuuang P679,000 ang nakatayang premyo sa tatlong araw na Visayas qualifying leg kung saan ay bibigyan ng premyo, jersey, medalya at tropeo ang tatlong magwawagi sa kada lap, tatlo sa overall King of the Mountain, tatlo sa overall Sprint at tatlo sa individual general classification.

Ang makukuwalipikang 88 riders na mula sa Visayas at Luzon legs ay uusad sa tampok na kampeonato kung saan ay makakasama nila ang defending champion na si Reimon Lapaza ng Butuan, ang siyam-kataong national team at ang dayuhang European team na binubuo ng Danish riders.