Natapos na ang isang taong panunungkulan ni dating Senador Panfilo Lacson bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) noong Lunes ngunit iginiit niya na naglingkod siya para sa kapakanan ng sambayanan.
Sa kanyang naging pahayag, sinabi ni Lacson na sa mga harap na banta ay dapat magkaisa ang mga mamamayan at tunay na umaksiyon.
“Ang terorismo ng mga jihadist at kalamidad sanhi ng climate change ay maaaring tumama sa atin anumang oras nang walang warning o babala,” diin ni Lacson. “Kaya dapat maging handa ang ating gobyerno para protektahan ang lahat ng Pilipino mula sa anumang banta sa kanilang buhay at ari-arian, gawa man ng tao o ng kalikasan.”
Inirekomenda rin ni Lacson sa gobyerno na dapat nang bumuo ng isang ahensiya para sa mga kalamidad batay sa ibinigay niyang Comprehensive Rehabilitation & Recovery Plan noong Agosto 1, 2014 na may nakapaloob na P167.8-B budget na tutustos sa 18,648 proyekto kung saan ay inaprubahan ng Pangulo noong Oktubre 2014.
“Ang pagbibigay halaga sa kapakanan ng ating mga kababayan ang naging pangunahing dahilan kung bakit tinanggap ko ang posisyon bilang PARR kahit walang kapangyarihang magpatupad ng anumang proyekto at walang budget,” ani Lacson.
“Kapakanan din ng ating mga kababayan ang pangunahing dahilan kung bakit ko hiniling sa ating Pangulo na lusawin na ang nilikhang posisyon ng PARR upang mailipat ang lahat ng kakayahan at resources sa wasto at permanenteng ahensiya ng gobyerno.”
Idinagdag ni Lacson na kailangan nang pagtibayin ang isang permanenteng ahensiya upang magsagawa ng mabilis at maayos na rehabilitasyon para sa mga darating na bagyo o ano mang uri ng kalamidad dahil dapat paghandaan ang lahat hindi lamang sa bagsik ng masasamang tao kundi maging sa bagsik ng kalikasan.
“Sa karanasan ko bilang dating Phlippine National Police (PNP) Chief at PARR, naisip ko na ang pagsagip ay hindi lamang dapat isinasagawa kapag nalagay na sa panganib ang buhay,” dagdag ni Lacson. “Ang tunay na kaligtasan ay makakamtan kung tayo ay handa sa anumang sakuna o banta sa pamamagitan ng masusing pagplano at matitibay na institusyon.”